ni Lolet Abania | February 18, 2021
Dalawang panukalang batas ang sinertipikahan bilang urgent ni Pangulong Rodrigo Duterte na layong magtakda ng isang vaccine indemnity fund at agarang pagkuha ng vaccine sa gitna ng COVID-19 pandemic, ayon sa vaccine czar na si Secretary Carlito Galvez, Jr..
Sa press briefing ngayong Huwebes, sinabi ni Galvez na pirmado na ni Pangulong Duterte ang dalawang panukala, ang Senate Bill No. 2057 at ang House Bill No. 8648 na certified as urgent.
“Pinirmahan na po ng ating mahal na Pangulo ang pagsertipika ng panukalang batas as urgent. Nag-usap po kami kanina, kasama po si Senator Bong Go, at magandang balita po na talagang napirmahan niya na po ‘yung mga Senate bill na makakatulong po sa atin,” ani Galvez.
Ang Senate Bill 2057 ay naglalayong mapabilis ang pagkakaroon at rollout ng COVID-19 vaccines, at pagtatakda ng P500-million indemnification fund habang ang House Bill 8648 ay layong mag-awtorisa sa mga local government units (LGUs) para magbigay ng paunang bayad sa gagamiting COVID-19 vaccines.
Kapag ang isang panukala ay nasertipikahan bilang urgent, pinapayagan ang Kongreso na aprubahan ito sa ikalawa at ikatlong pagbasa sa parehong araw.
Matatandaang binanggit ni Galvez na ang kawalan ng tinatawag na indemnification agreement ang nagpapaantala sa pagdating ng unang batch ng 117,000 doses ng COVID-19 vaccines sa ilalim ng COVAX facility.
Ang COVAX facility ay isang pandaigdigang pagsisikap na tanging layunin ay makapagbigay ng access sa COVID-19 responses, kabilang dito ang mga vaccines, na pinangunahan ng World Health Organization (WHO), Gavi Vaccine Alliance, at ang Coalition for Epidemic Preparedness Innovations.
Ayon kay Dr. Rabindra Abeyasinghe, ang WHO representative ng Pilipinas, inaasahan ng mga vaccine makers na popondohan ng gobyerno ang indemnification agreement dahil ang COVID-19 vaccines ay nananatiling nasa ilalim ng emergency use authorization na ang ibig sabihin ay hindi ito ginagamit para sa commercial use.