ni Ronalyn Seminiano Reonico | February 26, 2021
Tanging ang National Bureau of Investigation (NBI) lamang ang inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte na magsagawa ng imbestigasyon sa naganap na barilan sa pagitan ng kapulisan at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque ngayong Biyernes.
Aniya, "Magandang hapon po. Isang importanteng anunsiyo galing po sa ating Presidente. Nagdesisyon po ang ating Presidente na tanging NBI lang po ang mag-iimbestiga ru’n sa putukang nangyari sa panig ng mga kapulisan at ng PDEA riyan po sa Quezon City."
Apat ang naitalang namatay — 2 pulis, isang PDEA agent at informant sa naturang insidente na naganap noong Miyerkules nang gabi sa parking lot ng isang fastfood establishment sa Commonwealth, Quezon City.
Dahil din sa utos ni P-Duterte, mapapawalang-bisa ang joint panel na binuo diumano ng Philippine National Police at PDEA, ayon kay Roque.
Saad ni Roque, “Iyong mga binuo pong joint panel para imbestigahan ‘yan na binuo po ng PNP at PDEA ay hindi na po magtutuloy sa kanilang imbestigasyon. Tanging NBI lang po, sang-ayon sa ating Presidente, ang magtutuloy ng imbestigasyon.”
Ayon sa ulat, parehong nagsasagawa diumano ng buy-bust operation ang kapulisan at PDEA nang maganap ang engkuwentro kung kaya una nang sinabi ng awtoridad na "misencounter" ang insidente.