ni Mary Gutierrez Almirañez | April 19, 2021
Pansamantalang gagawing COVID-19 vaccination site ang mga sinehan at convention hall ng SM Supermalls bilang tulong sa pamahalaan para malabanan ang lumalaganap na pandemya sa bansa, ayon kay SM Group President Steven Tan ngayong araw, Abril 19.
Aniya, "We have 30 vaccination sites already across the country from Tuguegarao all the way down to Butuan City in Mindanao… We offered areas like the cinemas, the activity centers, the convention centers. We repurposed them and made them as vaccination sites."
Kaugnay nito, mahigit 600,000 doses ng bakuna ang iniulat na bibilhin ng kumpanya para sa SM employees. Inaasahan namang darating sa ikatlong quarter ang suplay ng AstraZeneca, Sinovac at Moderna, kung saan halos kalahati sa mga empleyado nila ang pumapayag mabakunahan.
"As soon as it is available for us, we will start rolling it out," sabi pa ni Tan.
Matatandaang pinayagan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga pribadong kumpanya upang direktang bumili sa manufacturers ng COVID-19 vaccines matapos makalabas ang draft ng Administrative Order mula sa National Task Force (NTF) na pinagbabawalan silang bumili.