ni Mary Gutierrez Almirañez | May 4, 2021
Nilinaw ni Pangulong Rodrigo Duterte na wala siyang ipinangako sa mga naging talumpati nu’ng nakalipas na 2016 national election hinggil sa pagbawi niya ng West Philippine Sea (WPS) sa China, batay sa kanyang public address kagabi, Mayo 3.
Aniya, “I never, never, in my campaign as President promise the people that I would retake the West Philippine Sea. I did not promise that I would pressure China.”
Taliwas ito sa naging pahayag niya, kung saan matatandaang sinabi niya sa isang televised debate noong 2016 na, “Pupunta ako sa China. ‘Pag ayaw nila, then I will ask the Navy to bring me to the nearest boundary diyan sa Spratlys, Scarborough. Bababa ako, sasakay ako ng jet ski, dala-dala ko 'yung flag ng Filipino at pupunta ako doon sa airport nila, tapos itanim ko. Then I would say, ‘This is ours and do what you want with me. Bahala na kayo.’”
Sa kahiwalay na talumpati ay sinabi niyang isa lamang iyong biro at hindi siya makapaniwalang pinaniwalaan iyon ng mga Pilipino.
Paglilinaw pa ni Pangulong Duterte, "When I said I would go to China on a jet ski, that's nonsense. I don't even have… It's just talk. I'm surprised you believed it."
Ipinaliwanag niyang nawala ang West Philippine Sea sa ‘Pinas sa kasagsagan ng termino ni dating Pangulong Benigno Aquino III kaya hindi siya ang dapat sisihin sa nangyayari ngayon.
Tinakot din niyang susuntukin si dating Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Albert del Rosario kung hindi ito titigil sa pagiging ‘rude’ sa China.
Giit niya, “Itong Albert na ito, ako pa ang sinisisi. Makita kita, suntukin kita, eh. Buang ka… Pagdating ko, 'and’yan na iyong barko ng Tsina, atin ang wala.”
Dagdag pa niya, “Just because we have a conflict with China, does not mean to say that we have to be rude and disrespectful. As a matter of fact, we have too many things to thank China for, the help in the past and itong mga tulong nila ngayon.”
Sa ngayon ay China ang may pinakamalaking naitulong sa ‘Pinas pagdating sa distribusyon ng mga bakuna kontra COVID-19. Tinatayang bilyun-bilyong halaga na rin ang ipinautang ng China sa ‘Pinas upang tulungan ang bansa na makabangon sa lumalaganap na pandemya.