ni Zel Fernandez | May 14, 2022
Sa pagpasok ng bagong administrasyon, naniniwala ang Department of Energy na mas lalakas pa umano ang pagsasabuhay ng nuclear energy sa bansa, makaraang mailatag nang maayos ng Duterte administration ang planong paliwigin ang paggamit nito sa Pilipinas.
Sa pahayag ni Energy Undersecretary Gerardo Erguiza, Jr. sa naganap na Laging Handa briefing, inaasahan umano ng ahensiya na tututukan ng susunod na mamumuno sa bansa ang paggamit ng alternative energy sources, kabilang na ang nuclear energy.
Aniya, naging maganda ang paglalatag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa balangkas ng nuclear energy at paniniyak ni Erquiza, magiging maganda pa ang tatahakin ng naturang inisyatibo sa nalalapit na pamamahala ni presumptive president Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa anim na taong termino nito.
Gayundin, tiniyak ni Erquiza na pasok umano ang tinatawag na constant factors standards ng energy plan sa bansa batay sa security, reliability, at sustainability, maging ang affordability aniya nito.
Giit ni Erquiza, kaakibat din nito ang pagsunod sa global direction na clean energy at decarbonization.