ni Zel Fernandez | May 10, 2022
Tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte ang opisyal at pormal na pag-upo sa pamahalaan ng idedeklarang bagong pangulo ng Republika ng Pilipinas sa darating na Hunyo 30, 2022.
Giit ni Pangulong Duterte, bahagi ng kahingiang Konstitusyonal na marapat nang makapanumpa ngayong taon ang susunod na halal na pinuno ng bansa, batay sa magiging resulta ng isinagawang presidential elections, sang-ayon sa pagluklok ng taumbayan.
Ani Digong, malugod umano niyang ipapasa ang liderato ng bansa sa sinumang magiging successor nito bilang pangulo, kaakibat ang paninindigang dapat masunod kung ano ang itinatakda ng batas sa bansa.
Samantala, kasalukuyan pa ring nangunguna sa mga ulat ng resulta ng eleksiyon ng pagka-pangulo si dating Senador Ferdinand “BongBong” Marcos, Jr. na umabot na sa mahigit 16 na milyon ang lamang sa pumangalawang si Bise-Presidente Leni Robredo.
Batay ito sa partial and unofficial total election results na ngayon ay nasa 97.20% na nitong alas-11:32 ng umaga, ayon sa Comelec Transparency Media server.