ni Jasmin Joy Evangelista | March 16, 2022
Nanindigan si presidential candidate Ping Lacson na magpapatuloy pa rin siya sa kanyang kampanya hanggang sa huli.
“Maski zero ako sa survey, tutuloy pa rin ako kasi ‘di ako naniniwalang zero ako sa survey,” ani Lacson.
Ito ay inihayag ni Lacson matapos na makakuha lamang ng 2% sa latest survey ng Pulse Asia
Kinuwestiyon din ni Lacson ang resulta ng naturang survey na isinagawa noong Pebrero 18-23 sa 2,400 adult respondents.
“I find it difficult to understand and believe—na base sa sarili kong naramdaman sa ground—parang ‘di ko kayang tanggapin na pagkatapos pa ng mga presidential forums and interviews, lalo pa akong lalagapak,” aniya.
Malalaman na lang sa May 9, diyan magkakaintindihan. Ibig sabihin 1.2 million lang boto kasi 60 million ang voters?” dagdag niya.
Lalo pa raw nilang sisipagan sa kampanya ng kanyang running mate na si Sen. Tito Sotto dahil ang mga survey ay hindi naman daw eleksiyon.
“The surveys are not elections and huling narinig ko elections May 9 pa, hindi naman ngayon. That doesn’t mean ‘di kami magwo-work harder,” pahayag pa ng presidential bet.
Ang Lacson-Sotto tandem ay tutungo sa Quirino ngayong Miyerkules.
“I think in so many sorties we’ve had, dialogue ang aming tema, maliwanag naman na meron kaming naka-ready na plataporma at siguro naman maski papano meron kaming ma-convert maski sabihin pa nilang Solid North,” ani Lacson.
Ayon pa kay Lacson, nakakuha siya ng maraming boto sa mga probinsiya ng Cagayan at Isabela, na kanilang binisita noong Lunes, noong siya ay tumatakbong senador.
“Historically, ‘yung lahat na takbo ko ‘di ako agrabyado sa Cagayan, Isabela, ‘di ako agrabyado sa boto rito. Laging malaki ang boto na nakukuha ko. But this is a different campaign kasi may pandemic at lahat,” aniya.
“Sa tingin ko naman, sa pakikipagugnayan namin, sa response nakukuha naman nila ang gusto naming gawin at yung kaya naming gawin,” dagdag pa niya.