ni Ronalyn Seminiano Reonico | May 2, 2021
Pauuwiin na ang mga Pinoy sa India na nais bumalik sa Pilipinas kapag muli nang binuksan ang mga commercial flights at kapag inalis na ang mga ipinatupad na travel ban, ayon sa ambassador sa New Delhi ngayong Linggo.
Una nang ipinagbawal ang pagdating sa bansa ng mga manggagaling sa India dahil sa paglobo ng kaso ng COVID-19 doon. Sa teleradyo interview kay Ambassador Ramon Bagatsing, Jr., aniya ay 73 na ang mga Pilipinong nagpositibo sa COVID-19 sa India.
Aniya, “Ang report na sa amin is 73… it is all over India. India is very, very huge… 73 po ang naka-record sa amin but most of them… sa aking balita, wala pa namang ganu’n kaseryoso maliban lang sa dalawang nasawi.” Ayon din kay Bagatsing, dahil sa mga ipinatupad na travel ban at walang direct flights mula sa India papuntang Pilipinas, hindi pa mapapauwi ang mga Pilipino.
Aniya, “No matter how much we want to come up with the repatriation flight, it’s extremely difficult. Logistically difficult dahil wala ngang flights na papapasukin. At ngayon, nag-order ang gobyerno natin na bawal ang India, we have to follow that. Bagama’t Filipino citizen ito, we have to follow that.” Hindi rin naman daw ganu’n karami ang mga Pinoy sa India na nais nang umuwi sa Pilipinas.
Saad ni Bagatsing, “Hindi pa naman ganu’n karami. Although, isang Pilipinong gustong umuwi, kinakailangang tulungan natin. But on the logistic side, we need at least 150 passengers to make it viable. "Sabi ni (Foreign Affairs) Secretary (Teodoro) Locsin, habang 'di pa puwede 'yan, siguro 'pag June or middle of the month, 'pag medyo okay na. But otherwise, we wait until the commercial flights to resume and then we can do that."
Samantala, noong Sabado, nakapagtala ang India ng highest record na mahigit sa 400,000 kaso ng COVID-19 sa isang araw lang. Sa kabuuang bilang, umabot na sa mahigit 19.5 million cases ang naitala sa India at higit 211,000 ang mga pumanaw.