ni Maestra Estrellia de Luna @Panaginip Gabay ng Buhay | Nov. 3, 2024
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Jonathan ng Oriental Mindoro.
Dear Maestra,
Napanaginipan ko na sumali kami ng kaibigan ko sa car racing.
Galit na galit ako sa kanya dahil pakiramdam ko ay ginigitgit niya ako. Hindi nga ko nagkamali, dahil iyon ang nangyari. Kaya naman natalo ako, habang siya naman ay nanalo.
Pagkatapos ng laban, agad akong umuwi. Habang pauwi ng bahay, bigla namang bumagsak ang malakas na ulan.
Pero tumigil din naman ang ulan, bago pa ako nakarating sa bahay.
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Jonathan
Sa iyo, Jonathan,
Ang ibig sabihin ng panaginip mo na sumali kayo ng kaibigan mo sa car racing ay magtatagumpay ka sa negosyo at susuwertehin ka rin
sa pag-ibig.
Ang galit na galit ka sa kaibigan mo dahil pakiramdam mo ay ginigitgit ka niya para siya ang manalo ay tanda na mapagkakatiwalaan mo ang iyong kaibigan mo. Tapat at handa ka niyang damayan sa iyong mga problema. Samantala, ang umuwi ka na agad pagkatapos ng karera, at inabutan ka pa ng ulan ay senyales na makakaranas ka ng kabiguan at pagkabalisa sa buhay.
Subalit dahil ang sabi mo ay agad din namang tumigil ang ulan bago ka makarating sa bahay mo ay senyales na malalampasan mo rin ang mga pagsubok sa buhay mo. Makakamit mo na rin ngayon ang minimithi at gusto mong marating sa buhay.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna