top of page
Search

ni Ronalyn Seminiano Reonico | August 2, 2021



Nagsimula nang magpatupad ng mahigpit na border control sa ilang probinsiya sa Luzon katulad ng Pampanga at Bulacan. Isinailalim sa general community quarantine (GCQ) "with heightened restrictions" ang NCR hanggang sa Agosto 5.


Ipatutupad naman ang enhanced community quarantine (ECQ) sa rehiyon sa Agosto 6 hanggang 20. Sa Malolos, Bulacan, mahigpit na sinusuri ng mga awtoridad ang mga dokumento ng mga motorista sa mga checkpoints.


Sa Pampanga naman, simula ngayong araw, Agosto 2 hanggang sa 15, kailangang magpakita ng negative RT-PCR o antigen test result upang makapasok sa naturang lugar ang mga non-residents.


Mahigpit ding binabantayan ang mga borders at mga barangay sa Pampanga dahil sa banta ng COVID-19 Delta variant. Samantala, umabot na sa 1,597,689 ang kabuuang bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa matapos maitala ang karagdagang 8,735 bagong kaso noong Linggo.


Sa naturang bilang, 63,646 ang aktibong kaso habang 1,506,027 naman ang mga gumaling na at 28,016 ang mga pumanaw.

 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | May 27, 2021



Hinihikayat ng lokal na pamahalaan ng San Luis, Pampanga ang mga residente nito na magpabakuna laban sa COVID-19 at kabilang sa kanilang paraan ay ang pagpapa-raffle ng baka buwan-buwan.


Inianunsiyo ni Mayor Jayson Sagum na maaaring manalo ng baka ang residenteng magpapabakuna laban sa COVID-19 sa isasagawang pa-raffle buwan-buwan na magsisimula sa September hanggang sa Agosto 2022 sa ilalim ng kanyang programang “Baka para sa Bakuna”.


Aniya pa, “Every end of the month magra-raffle tayo ng isang baka para roon sa mga nabakunahan nating kababayan.


“This is one of our ways to encourage more residents to get vaccinated against COVID-19.”


Target umano ng lokal na pamahalaan na makakuha ng 100-percent vaccination rate sa mga residente nito at maideklara bilang COVID-free municipality.


Sa mga nais makasali sa naturang raffle, ayon kay Sagum ay ipakita lamang ang vaccination card na magsisilbing proof of entry maging sa mga first dose pa lamang ng bakuna ang natatanggap at aniya pa, ang gagamiting pondo ay hindi kukunin sa lokal na pamahalaan, kundi mula sa mga private donors.


Saad pa ni Sagum, "We are looking at around P20,000 to P25,000 worth of live cow per month so I am really knocking at the hearts of my friends and anybody who wants to help us in our little program. Let us be instruments in encouraging others to have themselves protected against Covid-19.”


 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | March 6, 2021





Nananatili sa alert level 1 ang Mt. Pinatubo sa Pampanga dulot ng sunud-sunod na paglindol, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).


Ayon kay Phivolcs Director Renato Solidum, “Babantayan nating mabuti ang Pinatubo pero wala namang recommendation na mag-evacuate. Ang restriction lang natin kung wala namang importanteng gagawin sa crater ng Pinatubo, 'wag nang pumunta. Kung meron man, extreme caution, ibayong pag-iingat.”


Dagdag pa niya, “Yung huling taon na kung saan may konting aktibidad ang bulkang Pinatubo, nag-alert level 2 ay nu'ng 1995. Ibinaba natin ito at zero na noong January, 1996. Magmula noon, wala tayong kakaibang nakikita sa Pinatubo. Baka kasi may iba pang mangyari sa mga susunod na panahon kaya kailangang abisuhan ang mga tao at ang pag-abiso natin sa publiko tungkol sa aktibidad ng bulkan ay through alert level.”


Matatandaang naminsala ang Mt. Pinatubo noong 1991 kung saan tinatayang 847 katao ang nasawi habang 250,000 ang pamilyang lumikas.


Mahigit P12.5 bilyon ang halaga ng mga nasirang ari-arian, agrikultura at imprastruktura dulot nu'n.


Sa ngayon, wala pa namang nakikitang ebidensiya na magkakaroon ng imminent eruption at wala pang senyales na may umaakyat na magma o gas mula sa bulkan.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page