ni Lolet Abania | April 29, 2022
Inianunsiyo ng Department of Labor and Employment (DOLE) ngayong Biyernes na libu-libong oportunidad sa trabaho ang naghihintay para sa mga jobseekers sa Labor Day, Mayo 1.
Kasabay ng pagdiriwang ng ika-120th Labor Day, ilulunsad ng DOLE ang Trabaho, Negosyo, Kabuhayan Job and Business Fairs na lalahukan ng 900 employers sa buong bansa.
Sa isang statement, sinabi ni DOLE Secretary Silvestre Bello III na nasa 102,426 local at overseas employment opportunities ang nakalaan sa mga jobseekers sa naturang fairs.
Ayon kay Bello, ang partisipasyon ng mga employers sa gaganaping May 1 job fairs ay isang patunay na nagbunga na ang ginagawang pagsisikap ng gobyerno para sa employment recovery ng bansa na matinding tinamaan ng pandemya.
“This job fair is one of the employment recovery strategies to restart economic activities, restore consumer and business confidence, upgrade and retool the workforce, and facilitate labor market access,” saad ni Bello.
Aniya, karamihan sa mga vacancies para sa 26 job fair sites ay iyong nasa manufacturing, business process outsourcing, at retail/sales industries.
Sinabi ni Bello, para sa mga naghahanap ng trabaho sa local employment, naghihintay sa kanila ang 73,671 jobs gaya ng production operators/machine operators, customer service representatives, collection specialists, retail/sales agents/promodisers, at sewers na iniaalok ng 817 employers.
Samantala, nasa 28,755 overseas jobs naman mula sa Kingdom of Saudi Arabia, United Arab Emirates, Qatar, Kuwait, Germany, Poland, the United Kingdom, Japan, Taiwan, at Singapore, ang iniaalok ng 73 recruitment agencies.
Ang top overseas vacancies ay para sa mga nurse/nurse aide; carpenter, foreman, at welder; food server; household service worker; at auditor.
Binanggit naman ni Bello na ang site para sa main job fair sa Mayo 1 ay gaganapin sa Kingsborough International Convention Center sa San Fernando City, Pampanga, kung saan mahigit sa 10,000 trabaho ang iniaalok ng 90 employers.
Ayon pa sa DOLE chief, karamihan sa mga bakanteng trabaho ay production operators, skilled sewers, customer service representatives, production helpers, call center agents, helpers, staff nurses, at collections specialists.