ni Jasmin Joy Evangelista | August 30, 2021
Sinalubong ng mainit na pagtanggap ng fans si eight-division boxing champ at kasalukuyang Senador Manny Pacquiao sa kanyang pagbabalik sa Maynila kaninang madaling-araw isang linggo matapos ang pagkatalo kay Yordenis Ugas para sa WBA welterweight championship.
Nasa 60 supporters ang nag-aabang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 bago mag-alas-3:00 nang madaling-araw bitbit ang mga tarpaulin at banner para sa Pambansang Kamao.
Hindi na nasunod ang physical distancing dahil tabi-tabi ang mga ito lalo na nang magkaroon ng komosyon nang maispatan nila ang isang staff ni Pacquiao na kumuha ng libu-libong pera mula sa isang bag ngunit hindi naman ito ipinamigay.
Dumating ang boxing champ ganap na ika-3:23 A.M. sakay ng Philippine Airlines Flight PR 103 mula Los Angeles kasama ang kanyang pamilya at mga staff.
Ayon sa kanyang staff, sasailalim sa 10-day quarantine ang pamilya Pacquiao at lahat ng staff sa isang hotel sa Pasay City kung saan nag-book sila ng pitong kuwarto.
Ikinagulat ni Pacquiao na makita ang kanyang mga supporters na naghihintay sa kanya kaya lubos ang kanyang pasasalamat sa mga ito.
“Pasensiya na kayo hindi tayo nagwagi pero at least, lumaban tayo, hindi tayo sumuko," ani Pacquiao.
Natalo ni Ugas si Pacquiao sa 12-round unanimous decision sa WBA welterweight championship noong Linggo, August 22 (Philippine time) sa Las Vegas Nevada.
"Hindi ko akalain na sasalubong sila nang ganito. Sabi ko, tahimik lang dahil talo naman tayo, hindi tayo nagwagi. Laki ng pasalamat ko dahil para rin akong nanalo [sa] mainit na pagsalubong," dagdag niya.
Inaasahang magbibigay siya ng mensahe tungkol sa plano niya sa kanyang boxing career at eleksiyon sa 2022 pagkatapos ng kanilang 10-day quarantine.