top of page
Search

ni Ronalyn Seminiano Reonico | June 10, 2021



Isinailalim sa state of calamity ang Palawan noong Miyerkules dahil sa paglobo ng kaso ng COVID-19, ayon sa Provincial Public Information Office (PIO).


Noong June 9, nakapagtala ang Palawan ng 2,060 kabuuang bilang ng kaso ng COVID-19 kung saan 620 ang active cases at 34 ang pumanaw.


Sa isang teleradyo interview, ayon kay Palawan PIO Chief Winston Arzaga, lumobo ang kaso ng COVID-19 nang payagan ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang mga leisure activites sa naturang lugar ng mga biyahero mula sa NCR Plus.


Saad pa ni Arzaga, “The first reason is… if you remember, the national IATF loosened restrictions and inbound travelers arrived in Puerto Princesa and other areas without quarantine.


“After this, cases suddenly rose… because there’s no quarantine… so they arrived in Puerto Princesa and then visited other tourist destinations.”


Ayon kay Arzaga, noong hindi pa niluluwagan ang travel restrictions, umaabot lamang sa 100 hanggang 200 na kaso ng COVID-19 ang kanilang naitatala.


Samantala, dahil sa paglobo ng kaso ng COVID-19, muling ipinagbawal ng local government ang pagbisita ng publiko sa mga tourist spots.


Aniya pa, “Our LGUs are tightening their borders. Visiting is not encouraged, especially in El Nido, Coron, and San Vicente… it’s somewhat strict.”


 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | March 12, 2021





Pagbobotohan ngayong Sabado, Marso 13, sa Palawan ang plebisito para hatiin ito sa Palawan Oriental, Palawan Del Norte at Palawan Del Sur na layuning gawing tatlo ang malaking lalawigan upang mas mapabilis umano ang paghahatid ng serbisyo sa mga Palaweño.


Sa kabila nito, may ilang residente ang tumututol na hatiin ang Palawan sapagkat anila’y sapat naman ang natatanggap nilang serbisyo mula sa mga LGU, taliwas sa sinasabi ni Governor Jose Alvarez na mas uunlad ang kanilang ekonomiya dahil iikot na sa kapitolyo ang kita ng bawat transaksiyon sa mga hotel, restaurant at resort.


Nauna nang isinagawa ang kampanya sa plebisito na nagdulot ng pagkabahala at magkakaibang pananaw sa mga mamamayan.


Bilang pag-iingat sa banta ng COVID-19, palima-limang botante lamang ang papayagang pumasok sa bawat silid-aralan para bumoto. Kapag nakaboto na ang lima ay saka lamang puwedeng pumasok ang mga susunod. Pagkatapos nito, tatlong araw pa umano bago lumabas ang magiging resulta.

 
 

ni Thea Janica Teh | November 28, 2020




Sumuko na nitong Biyernes nang hapon ang mastermind sa pagpatay sa isang abogado sa Palawan noong Nobyembre 17 habang isa pang pulis ang nahaharap sa kaso kaugnay sa naturang krimen.


Ayon kay Palawan Provincial Office Director Col. Nicolas Torre, sumuko na ang isang hindi pa ipinapakilalang suspek at humingi ng protective custody upang maprotektahan umano ang kanyang buhay matapos nitong patayin si Atty. Eric Magcamit sa Narra, Palawan.


Papunta sanang hearing si Magcamit sa Quezon, Palawan nang pagbabarilin ng mga suspek. Natagpuan itong nakahandusay na sa kalsada sa labas ng kanyang sasakyan. Bukod umano sa dalawang ito, 8 pa ang pinaghahanap ng awtoridad at nahaharap sa kasong pagpatay.


Dagdag pa ni Torre, personal umano ang isa sa mga motibo sa krimen. Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng CIDG ang naturang mastermind habang ang iba ay pinaghahanap pa rin.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page