ni Ronalyn Seminiano Reonico | July 19, 2021
Pinalayas ng Philippine Coast Guard (PCG) ang isang Chinese Navy warship sa Marie Louise Bank sa El Nido, Palawan noong nakaraang linggo.
Saad ng PCG, “Base sa report na natanggap ng PCG Command Center noong ika-13 ng Hulyo 2021, na-monitor ng BRP Cabra (MRRV-4409) ang isang ‘navy warship’ na may watawat ng People’s Republic of China at markado ng Chinese character.”
Nagsagawa umano ng radio challenge ang PCG at nilapitan din ng BRP Cabra ang naturang Chinese Navy warship upang ma-monitor ang aktibidad nito sa katubigan.
Saad ng PCG, “Nang walang matanggap na verbal response, ginamit ng BRP Cabra (MRRV-4409), sa pangunguna ni Commander Erwin Tolentino, ang Long Range Acoustic Device (LRAD) para ipahatid ang verbal challenge sa Chinese Navy warship.”
Nang gumalaw umano ang barko palabas ng Marie Louise Bank, sinundan ito ng BRP Cabra (MRRV-4409) upang masiguro na tuluyan na nitong lilisanin ang katubigan.
Nang umabot sa 0.25 hanggang 0.30 nautical miles ang distansiya ng dalawang barko, nagpadala umano ng radio message ang Chinese Navy warship sa BRP Cabra (MRRV-4409).
Sabi umano ng Chinese Navy warship: “Philippine Coast Guard 4409, this is Chinese Navy Warship 189. Please keep two nautical miles distance from me.”
Ngunit ayon sa PCG, hindi tumigil sa pagbabantay ang BRP Cabra (MRRV-4409) sa Chinese Navy Warship hanggang sa tuluyan itong nakalabas ng Marie Louise Bank.
Paglilinaw naman ng PCG, “Ang bawat desisyon at aksiyon ng BRP Cabra (MRRV-4409) ay naka-base sa ‘PCG Manual on Rules on the Use of Force Within the Philippines’ EEZ’. Ito ay para masiguro na ‘rules-based and peaceful approach’ ang ginagamit sa pagtataguyod ng soberanya at pagpoprotekta sa karapatan ng Pilipinas at mga Pilipino sa katubigan.”