ni Zel Fernandez | May 9, 2022
Sa kasagsagan ng eleksiyon ngayong araw sa buong bansa, magkahiwalay na insidente ng brownout ang kinumpirma ng Valenzuela PIO at Palawan Electric Cooperative.
Ayon sa ulat, nawalan umano ng kuryente sa T. De Leon Elementary School dahil sa transformer problem.
Kaugnay nito, sinubukan umanong gamitin ang mga VCM batteries kasabay ng brownout na nangyari sa General Tiburcio De Leon Elementary School.
Kagyat namang rumesponde ang mga tauhan ng MERALCO at ang City Engineers Office upang ayusin ang insidente ng power interruption na nakaantala sa ginaganap na halalan sa naturang presinto ng Valenzuela.
Samantala, nakaranas din umano ng pagkawala ng kuryente sa mga bayan ng Aborlan, Narra at Puerto Princesa, Palawan ngayong araw ng halalan, simula alas:7:30 ng umaga.
Apektado ng naturang brownout ang Brgy. Malinao hanggang Brgy. Dumangueña at ang Brgy. Jose Rizal sa Aborlan, sakop ng DMCI-Aborlan Recloser hanggang Brgy. Tagbarungis, Puerto Princesa City.
Kasalukuyan nang tinutukoy ng PALECO ang sanhi ng pagkawala ng kuryente sa mga nabanggit na lugar sa Palawan.