top of page
Search

ni Lolet Abania | May 13, 2022



Nasa kabuuang 14 kaso ng Omicron subvariant BA.2.12.1 ang na-detect sa bansa mula sa National Capital Region (NCR) at Palawan, ayon sa Department of Health (DOH).


Sinabi ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang dalawang kaso ay na-detect sa NCR habang 12 naman sa Puerto Princesa City, kung saan 11 ay mga dayuhan at isang local case.


“We have detected 14 individuals with BA.2.12.1. Twelve galing sa Puerto Princesa, dalawa galing sa NCR,” pahayag ni Vergeire sa media briefing ngayong Biyernes.


Ayon kay Vergeire, ang dalawang kaso ng Omicron subvariant BA.2.12.1 sa NCR ay nakatanggap na ng kanilang booster shot habang nakaranas ng mild symptoms. Sa ngayon, itinuturing na silang nakarekober matapos na makumpleto ang kanilang home isolation.


Aniya pa, ang naturang dalawang kaso sa NCR ay may kabuuang 39 asymptomatic close contacts na kasalukuyang asymptomatic din.


“Inaalam natin ngayon ang kanilang vaccination status at saka ang kanilang status sa kanilang quarantine,” sabi ni Vergeire.


Matatandaan noong Abril, na-detect ang kauna-unahang kaso sa bansa ng Omicron BA.2.12, mula sa isang babaeng turista na Finnish national, sa Baguio City.


“In totality, itong dalawang ito pareho silang more transmissible than the original Omicron variant at saka pareho silang may possibility ng immune escape based from the experts or the studies that are coming out,” paliwanag ni Vergeire.


Sinabi pa ni Vergeire na parehong ang subvariants ay na-detect sa United Kingdom, United States, at Canada.


 
 

ni Lolet Abania | May 3, 2022



Nasa 15 dayuhang turista na fully vaccinated ang nagpositibo sa test sa COVID-19 sa Palawan, ito ang kinumpirma ng Department of Health (DOH) ngayong Martes.


Sa isang statement ng DOH, nakasaad na 13 sa mga naturang foreign travelers ay asymptomatic habang ang dalawang iba pa ay nagsimulang makitaan ng mild symptoms noong Abril 27 at 28.


“14 were isolated in facilities while one was admitted at a hospital. They were tested in RT-PCR on April 29-30, of which all resulted as positive,” batay sa DOH.


Kaugnay nito, ang Cagayancillo, Palawan ay isinailalim sa Alert Level 1 mula Mayo 1 hanggang 15, habang ang natitirang lugar sa lalawigan ay inilagay sa mas mahigpit na Alert Level 2 sa parehong petsa.


Sinabi naman ng DOH na ang kanilang Regional Epidemiology and Surveillance Units (RESUs) and City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) ay kasalukuyang bineberipika ang sitwasyon sa lugar at anila, magbibigay sila ng karagdagang impormasyon kapag available na ang mga ito.


Matatandaan na nag-operate na ang mga negosyo at nagbukas para sa mga leisure travelers mula sa 157 visa-free countries ang Pilipinas noong Pebrero 10. Para sa mga foreign tourists naman, kabilang ang mga nagmula sa mga visa countries, ay nagbukas noong Abril 1.


Ang mga fully vaccinated lamang na mga dayuhang turista ang pinapayagang makapasok sa bansa. Sila ay required na magprisinta ng negative COVID-19 RT-PCR test result na kinuha 48 oras bago ang kanilang biyahe o isang negative laboratory-based antigen result na kinuha 24 oras bago ang kanilang departure.


Ayon ka DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang Pilipinas ay hindi maaaring buksan at isara nang paulit-ulit ang mga borders mula sa ibang mga bansa sa gitna ng panganib ng ibang COVID-19 variants at sublineages dahil nananatiling ipinatutupad ng gobyerno ang mga safety measures laban sa viral disease.


 
 

ni Lolet Abania | January 3, 2021




Itinaas na sa orange rainfall warning ang buong katimugang bahagi ng Palawan kabilang ang Kalayaan Group of Islands ngayong Linggo, ayon sa PAGASA.


Sa heavy rainfall advisory ng PAGASA, ngayong alas-2:00 ng hapon, nagbabala ang ahensiya ng posibleng mga pagbaha sa mga mabababang lugar, gayundin ang maaaring landslides.


Pinapayuhan ng PAGASA ang publiko, maging ang Disaster Risk Reduction and Management Council, na patuloy na mag-ingat at mag-monitor ng kasalukuyang lagay ng panahon.


Ang inilabas na warning ay base sa kasalukuyang radar trends at meteorological data ng PAGASA.


Una nang naglabas ng advisory ang PAGASA ngayong alas-onse ng umaga ng Linggo, na ang tail-end ng isang frontal system ang nakakaapekto sa buong Southern Luzon, kung saan magdudulot ng malakas na pagbuhos ng ulan sa tinatayang 10 lugar sa bansa, kabilang ang Bicol Region, Quezon at Polillo Islands.


Makararanas din ng kalat-kalat na mahina hanggang sa katamtamang pagbuhos ng ulan sa buong Metro Manila, MIMAROPA, Visayas, Mindanao, Aurora, Nueva Ecija, Bulacan at ilang bahagi ng CALABARZON.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page