ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | September 6, 2022
KATANUNGAN
May boyfriend ako ngayon at tumagal nang dalawang taon ang relasyon namin. Ang problema, nagkakalabuan kami dahil may third party na involved. Ang balita ko, ‘yung bagong babae niya ay supervisor nila at patay na patay sa kanya.
Maestro, kung sakaling tuluyan na kaming maghiwalay ng boyfriend ko, may darating pa bang ibang lalaki sa akin kahit hindi na ako virgin? Sa ngayon, may mga nanliligaw naman sa akin, pero natatakot ako na kapag nalaman nila ang aking nakaraan, baka mawala na rin ang tiwala nila sa akin.
Ayon sa guhit ng aking mga palad, sino ang makakatuluyan ko, ang kasalukuyan kong boyfriend o may paparating pang ibang lalaki?
KASAGUTAN
Hindi mo muna dapat isinuko sa boyfriend mo ang iyong pagkababae dahil malinaw ang sinasabi ng nawasak na Venus Line (Drawing A. at B. v-v arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Hindi ang nakauna sa iyo ang makakatuluyan mo, sa halip, ang mapapangasawa mo ay ang pangalawang makakarelasyon mo.
Ang pag-aanalisang hindi ang unang boyfriend ang iyong makakatuluyan ay madaling kinumpirma ng mas mahaba, malinaw at magandang ikalawang Marriage Line (Drawing A. at B. 2-M arrow b.), kung ikukumpara sa unang Marriage Line (1-M arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad.
Tanda na bagama’t hindi ka susuwertehin sa una mong boyfriend, sa ikalawang lalaki na parating pa lamang sa iyong buhay, pagdating sa pag-ibig at pakikipagrelasyon, tiyak na papalarin ka na. Gayundin, kahit hindi ka na virgin at sa bandang huli, ang ikalawang lalaking ito na may zodiac sign na Virgo ang siyang mapapangasawa at makakasama mo habambuhay.
DAPAT GAWIN
Habang, ayon sa iyong mga datos, Babylyn, tulad ng nasabi na, hindi ang kasalukuyan mong boyfriend na may kaulayaw na palang iba ang iyong makakatuluyan kundi isang lalaki na paparating palang na makikilala mo sa pagpasok ng buwan ng Oktubre. Siya ay nagtataglay ng initial na A.R. kung saan ang ikalawang lalaki na ito ang makakasama mo sa pagbuo ng maligaya at panghabambuhay na pamilya.