ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | September 22, 2022
KATANUNGAN
Balak naming magnegosyo ng tindahan ng mga pagkain o merienda ngayong papasok na Oktubre. Halimbawa, mga lutong pagkain na may kaugnayan sa Pasko tulad ng puto bumbong at bibingka na siguradong magiging mabili pagsapit ng Simbang Gabi.
Magpapautang kasi ng puhunan ‘yung kapatid ko na nasa abroad. Sabi niya, magtinda-tinda kami sa harap ng bahay para hindi lang kami umaasa pinapadala niya. Ano ang masasabi n’yo sa plano naming ito, Maestro, susuwertehin ba kami ng mister ko sa ganitong negosyo?
KASAGUTAN
Tama at sobrang ganda ng naisip n’yo kaysa tumunganga lang kayong mag-asawa ngayong panahon ng Kapaskuhan na nag-aabang ng bonus o 13th month pay, gayung wala namang regular na hanapbuhay o trabaho ang iyong mister.
Kung hindi kayo magnenegosyo kahit maliit lang at hindi mag-iisip ng mga bagay na pagkakakitaan, paano n’yo mabibilhan ng pamasko ang mga bata at saan kayo kukuha ng panghanda sa darating Noche Buena at Media Noche?
Simulan mo na ang naisip mong negosyo na may kaugnayan sa pagkain at siguradong kikita kayo ng malaking halaga. Ito ang nais sabihin ng zodiac sign mong Libra, gayundin ang malinaw at makapal na Business Line (Drawing A. at B. b-b arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad.
Tanda na sa pamamagitan ng sipag at tiyaga, dagdag na sakripisyo at pagtitipid, hindi malayong mapalaki n’yo ang inyong tindahan, na sa bandang huli, bukod sa puto bumbong, bibingka at sopas, puwede rin kayong magtinda ng sari-saring uri ng barbeque, tulad ng bituka, ulo, paa ng manok, gayundin ang isaw ng baboy at puwede na ring samahan ng itlog at lugaw. Sa ganyang simple, pero mabili at masarap na negosyo, tulad ng naipaliwanag na, maaaring kayo ay umasenso, lalo na kung babaguhin mo nang bahagya ang iyong lagda, na sa halip na napakahaba at masyadong maliliit ang letra, gawin mong inisyal lang ng iyong pangalan at middle name pagkatapos ay ang iyong apelyido.
Mas maganda rin kung tatapusin mo ang iyong lagda sa straight line upang magtuloy-tuloy ang pag-asenso ng kabuhayan, hatid ng negosyong may kauganayan sa pagkain.
MGA DAPAT GAWIN
Habang, ayon sa inyong mga datos, Maricar, tamang-tama at swak na swak ngayong nalalapit na ang Kapaskuhan ang naisip n’yong negosyo na magtulong-tulong sa kalakal na may kaugnayan sa pagkain.
Simulan n’yo na ngayon ang nasabing tindahan bilang “soft opening” upang pagsapit ng Nobyembre hanggang Disyembre, ilang araw na lang ay magpa-Pasko na, siguradong magiging patok at maunlad ang negosyong may kauganayan sa pagtitinda ng mainit-init at masarap na puto bumbong, sopas at bibingka.