ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | October 1, 2022
KATANUNGAN
Ako ay isang OFW sa Kuwait at sa kabila ng masungit at istrikto ang aking amo, tiniis ko ‘yun, kaya nakauwi ako at maluwalhating nakatapos ng kontrata. Pinababalik na nila ako ngayon dahil ang alibi ko ay magbabakasyon lang ako, at pagkatapos ay pipirma ako ng bagong kontrata, pero ngayon ay nagdadalawang-isip na ako dahil hindi ko gusto ang pamamalakad at pasuweldo nila.
Balak kong maghanap ng bagong employer at ito ang dahilan kaya ako kumonsulta sa inyo. Kung sakaling maghanap ako ng ibang employer, makakatagpo na ba ako ng mabait na amo?
Noong nagtatrabaho ako rito sa atin, bakit puro masungit din ang aking naging amo, gayung mabait naman ako? Nasa kapalaran ko na ba ang hindi suwertehin sa mga employer?
Sa palagay n’yo, ano ang dapat kong gawin, ang bumalik sa aking amo sa Kuwait o maghanap ng ibang employer? Nais ko ring magnegosyo kapag nakaipon na ako ng puhunan, ano ang mairerekomenda mong produkto o negosyo na bagay sa akin?
KASAGUTAN
Sa aktuwal na karanasan, bihira naman yata ang mabait na amo. Masasabi kasing maaaring kaya sila naging amo at yumaman ay dahil may pagkatuso sila sa salapi at may pagkamasungit.
Huwag kang maghanap ng ibang employer kung pinapasuweldo ka naman ng kasalukuyan mong employer sa Kuwait, kung hindi ka naman sinasaktan at ginugutom. Pagtiisan mo na siya dahil tulad ng nasabi sa pang-statistical na tala, mas marami talagang malupit, kuripot at tusong amo, kaya kung magbabaka-sakali kang maghanap ng bagong employer, posibleng sa mas malalang amo ka pa bumagsak.
Samantala, anuman ang maganap, tuloy-tuloy pa rin ang maluwalhati mong pangingibang-bansa na palaging makatapos ng kontrata ang nais sabihin ng maaliwalas at magandang Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na hindi ka mapapakali sa ating bansa, gagawa ka ng paraan upang balikan ang nakasanayan mo bilang OFW, ang magpabalik-balik sa ibang bansa, hanggang sa unti-unting makaipon at umunlad.
Sa panahon namang may kaunti ka nang ipon, ayon sa zodiac sign mong Sagittarius, inirerekomenda ang mga produktong may kaugnayan sa paghahayupan o maaari ring magbenta ka ng meat products at ‘yun ang magbibigay sa iyo ng malaking pag-asenso tulad ng karne ng manok, baboy o baka. Puwede rin ang aktuwal na pagpaparami at pag-aalaga ng mga hayop. Sa nasabing nature ng negosyo, kapag may puhunan ka na, tiyak ang magaganap dahil du’n ka uunlad at tuloy-tuloy na yayaman.
DAPAT GAWIN
Habang, ayon sa iyong mga datos, Patricia, huwag ka nang magdalawang-isip, pirmahan mo na ang panibagong kontrata sa dati mong amo sa Kuwait. Darating din ang panahon, dahil nagiging loyal ka sa kanila, uumentuhan ka rin nila at magiging mabuting amo sila upang mapatunayan ang likas ng proseso ng katalagahan— kung paano ka naging mabuti sa iba, darating ang panahon na magiging mabuti rin sa iyo ang tadhana. Sa panahong ‘yun, pagpapalain ka na at ang kabuhayan mo ay tuloy-tuloy nang uunlad at sasagana, na nakatakdang mangyari sa taong 2028 at sa edad mong 39 pataas (Drawing A. at B. H-H arrow b.).