ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | December 11, 2022
KATANUNGAN
Dati akong factory worker sa abroad at halos 10 taon ako ru’n, pero nagtataka ako dahil parang wala ring nangyari sa buhay ko. Naisipan kong sumangguni sa inyo upang malaman kung nasa guhit ba ng mga palad ko ang pagyaman?
Mula nang umuwi ako noong 2020, ang dami ko nang nasubukang negosyo, pero walang umasenso, lahat ay nalugi dahil nasabay pa ito sa pandemya. Sabi ng misis ko, itigil ko na ang pagnenegosyo dahil baka hindi naman ito ang linya ko. Sinabi niya rin na bumalik na lang ako sa abroad.
Sa palagay n’yo, Maestro, saan at paano ako yayaman, sa pagbabalik sa abroad o pagnenegosyo? Ano ang nakaguhit sa aking mga palad?
KASAGUTAN
Tama ang misis mo. Kung sa pag-a-abroad ka sinuwerte at nakaipon ng malaking halaga sa panahong nasa ibang bansa ka, mas makabubuti siguro na habang hindi ka pa gaanong nagkakaedad at may kalakasan pa ang iyong pangangatawan, mag-abroad ka nang mag-abroad, hangga’t tinatanggap at kailangan ka pa ng inyong kumpanya. Ito ang nais sabihin ng malawak at malinaw na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad.
Ang totoo nito, sa panahon ngayon, hindi pa nakalaan sa kapalaran mo ang umasenso o umunlad sa pamamagitan ng negosyo. Bagkus, tulad ng nasabi na, higit kang magtatagumpay at papalarin sa tuloy-tuloy na pangingibang-bansa.
Ang pag-aanalisang paulit-ulit kang susuwertehin sa pag-a-abroad kaysa sa pagnenegosyo, lalo na sa panahon ngayon at sa iyong edad na 36, madali namang kinumpirma ng lagda mong umaalon na parang lumilipad at may anyo o hugis na parang dollar sa gitnang bahagi. Ibig sabihin, ngayon pa lang ay nasasagap na ng unconscious mong isipan ang muling pagsakay sa eroplano at pagtawid ng dagat hanggang sa makarating kang muli sa ibang bansa.
MGA DAPAT GAWIN
Sabi nga ni Haring Solomon, “For everything there is a season, a time for every activity under the heaven.” (Ecclesiastes 3:1 NLT). Tandaan mo na anuman ang binabalak o gusto nating gawin, sa totoo lang, ito ay kusa namang mangyayari sa tamang panahon na itinakda ng langit.
Habang, ayon sa iyong mga datos, Edmond, kung muli kang mag-a-apply sa abroad, tiyak na may pangako ng isa pang mas mabungang pangingibang-bansa sa iyong karanasan.
Ang panahong ito sa iyong buhay ay ang tamang panahon na dapat kang maglakbay nang maglakbay hanggang sa makapagpundar ka ng mas produktibo at masaganang kabuhayan na magsisimulang mangyari sa susunod na taong 2023 at sa edad mong 37 pataas.