ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | December 17, 2022
KATANUNGAN
Gusto kong malaman kung ano ang mangyayari sa aking career, kaya sana ay maanalisa mo rin ang guhit ng aking mga palad. Nakatapos ako ng BS Marine Transportation at matagal na akong nag-a-apply sa abroad bilang seaman, pero hanggang ngayon ay hindi pa rin ako sinusuwerteng makasampa ng barko.
Maestro, may pag-asa pa ba na magamit ko ang natapos kong kurso at ako ay maging ganap na seaman? May trabaho naman ako ngayon bilang factory worker, pero hindi related sa tinapos kong kurso.
Sa palagay n’yo, matutupad ba ang pangarap ko na makasampa sa barko? Siya nga pala, March 7, 1995 ang birthday ko.
KASAGUTAN
Sa mga tulad mong nagtataglay ng weak number na 7, ang kailangan mo ay maghanap ng mga taong tutulong sa iyo upang matupad ang iyong mga pangarap, lalo na sa career o pagba-barko. Sapagkat sa edad mong 27, ito ang pinakamagandang panahon upang paunlarin ang iyong career, hindi sa pamamagitan ng sarili mong diskarte o pagsisikap kundi sa tulong ng ibang tao na nagtataglay ng strong number, tulad nilang may mga birth date na 1, 10, 19, 28, 9, 18, 27, 8, 17 at 26.
Kaya sa sandaling nakakita ka na ng backer, kaibigan, kakilala o mga taong malalapitan upang makasampa ka sa barko, tiyak na sa takdang panahon na inilaan ng kapalaran, kusa ring matutupad ang malawak at malinaw na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad – makakapagbarko ka.
Ang nasabing malinaw at malawak na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) ay tanda ng mabunga at maluwalhating pagsampa sa isang passenger-vessel na barko. Ito ay madaling kinumpirma ng gitnang bahagi ng iyong lagda, na kinakitaan ng mga maayos na pagkakadugtong na buhol-buhol o bilog-bilog na animo’y alon ng dagat. Nangangahulugan ito na ngayon pa lang ay nasasagap na ng unconscious self mo ang maaaring susunod na kaganapan sa iyong career at kapalaran – ang makasampa sa barko at maglakbay sa malawak at malalayong karagatan.
MGA DAPAT GAWIN
Ibig sabihin, Denver, kung sadyang nangangarap kang makasampa sa barko at maging ganap na seaman, mas mainam kung bago ka mag-apply sa shipping companies o agencies na nagpapa-abroad, maghanap ka muna ng mga taong tutulong sa iyo o magpa-follow-up ng aplikasyon o mga papeles mo.
Sapagkat sa ganyang paraan, ayon sa iyong mga datos, maluwalhati kang makakapagbarko, na nakatakdang mangyari sa susunod na taong 2023 at sa edad mong 28 pataas, kung saan sa nasabing panahon, may mabunga at mabiyayang pangingibang-bansa na itatala sa iyong kapalaran.