ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Palad | March 4, 2023
KATANUNGAN
Ako ay nag-a-apply bilang domestic helper sa Israel. Nakaalis na lahat ang mga kasamahan at kasabayan kong nag-apply, at ako na lang naiwan. Naisipan kong magtanong sa inyo kung may pag-asa pa ba akong makaalis?
Ngayong 2023, susuwertehin na ba ako na makapangibang-bansa?
KASAGUTAN
Bagama’t may nakitang Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) sa iyong mga palad, may nakita ring guhit ng hadlang (Drawing d-d arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tulad ng dati at madalas nating sabihin, kapag may Travel Line (t-t arrow a.), tiyak na makapangingibang-bansa ang nasabing indibidwal. Ang problema lamang, kapag ang nasabing Travel Line ay may Guhit ng Hadlang (d-d arrow b.) o ang larawan din ng mga pagsubok na maaaring makahadlang bago tuluyang makapag-aboad ang nasabing indibidwal.
Minsan naman, ang Guhit ng Hadlang na ito ay indikasyon din ng hindi masyadong produktibong pag-a-abroad sa simula, pero kapag nagtagal-tagal na, dahil malalagpasan din naman ng Travel Line (t-t arrow a.) ang guhit ng hadlang na bumalagbag sa tinatahak na landas ng Travel Line —pagkatapos ng mga pagsubok at paghihirap sa pag-a-apply sa ibang bansa o pagkatapos ng mga tiisin at paghihirap sa hindi masyadong produktibong pag-aabroad — sa susunod na pag-alis o pangingibang-bansa, unti-unti nang gaganda ang iyong karanasan at aangat ang kabuhayan mo na madali namang kinumpirma ng signature mong hindi maayos sa simula, pero sa gitna hanggang dulo ay unti-unti na ring gumanda ng suwabeng-suwabe.
Tanda na tulad ng istorya ng iyong lagda ang mangyayari sa aktuwal mong buhay. Kumbaga, mahirap sa simula, pero pagtuntong mo ng 30 pataas, paganda nang paganda ang iyong mga karanasan at kapalaran, hindi lang sa ibayong-dagat kundi sa lahat ng aspeto ng iyong buhay.
DAPAT GAWIN
Ayon sa iyong mga datos, kung hindi ka natuloy sa pag-a-abroad noong nakaraang taon, tiyak ang magaganap ngayong 2023, sa buwan ng Hulyo o Agosto, pinakamatagal na sa Setyembre at sa edad mong 32 pataas. Sa naturang panahon, may mabunga at mabiyayang pangingibang-bansang itatala sa iyong kapalaran.