ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Palad | April 01, 2023
KATANUNGAN
Dati akong OFW, at isang beses nakasampa rin ako ng barko. Ang problema ko ay mag-iisang taon na ang lumipas, ngunit hindi pa rin ulit ako nakakasampa sa barko. Hanggang ngayon ay ‘di pa rin ako kino-contact ng agency, at sa tuwing pumupunta ako sa opisina ay parang pinapaasa lang nila ko sa wala.
Naisipan kong sumangguni sa inyo, Maestro, upang malaman kung ngayong taon ay makakasampa pa ba akong muli? Sa ngayon kasi, wala na kaming ipon at nabubuhay na lang kami sa utang at sa kaunting suweldo ng misis ko bilang tindera at kasambahay.
Sana ay maanalisa n‘yo ang guhit ng aking mga palad, kung may maganda pa bang kapalaran na darating sa akin?
KASAGUTAN
Wala namang problema dahil may namataang malinaw at malawak na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. ‘Yun nga lang, may bahagyang lumutang na Guhit ng Hadlang (d-d arrow b.) sa nasabing malawak na Travel Line.
Ibig sabihin, may problemang darating sa iyong binabalak na muling pagsampa, pero ‘di naman ito magtatagal, kaunting tiis lang at malalagpasan mo rin ito. At tulad ng nasabi na, ang magandang balita sa kasalukuyan, tunay ngang tapos na ang guhit ng hadlang sa iyong palad, sa halip, tulad ng iyong inaasahan, ngayong 2023, tuluyan nang mananaig ang malawak sa Travel Line (t-t arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad.
Hindi matatapos ang buwan ng Mayo o Hunyo, ipatatawag ka na ng agency na iyong pinag-apply-an upang muling makabalik sa laot ng dagat at muling maging ganap at mahusay na mandaragat.
MGA DAPAT GAWIN
Ayon sa iyong mga datos, Darius, tuluyan nang napawi ang panahon ng tagmalas sa iyong buhay, at pagpasok ng buwan ng Mayo, magbabago na ang iyong kapalaran.
Sa nasabing panahon at sa edad mong 32 pataas, itatala ang ikalawang mas mabunga at mabiyayang pangingibang-bansa sa iyong kapalaran.