ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Palad | May 7, 2023
KATANUNGAN
Maestro, ang hirap pala kapag ang babae ay nagkakaedad, at bigla kang iiwanan ng boyfriend mo. Ganito kasi ang nangyari sa akin, dapat pala, noon pa ay nagpakasal na kami nang hindi na siya nakawala pa. Five years kaming mag-on ng BF ko, mabait siya pero masyadong seryoso sa buhay. Marami pa raw siyang priorities sa buhay, kaya napagdesisyunan naming na ‘wag munang magpakasal.
Kaso, bigla siyang nag-abroad at doon siya nakatagpo ng babae na kagaya niyang hard working at mahilig magpayaman hanggang sa nagpakasal sila. Ang gara ng nangyari, ‘yun pala ang hinahanap ng boyfriend ko, ‘yung kagaya niya na mukhang pera at pagpapayaman ang iniisip. Isipin mo, limang taon kong ginugol sa kanya ang buhay at oras ko, tapos ganito ang mangyayari at igaganti niya sa akin.
Sa ngayon, 36-anyos na ako sa June 16 at natatakot ako dahil baka hindi na ako makapag-asawa at kung mag-boyfriend akong muli, baka hindi naman kami ang magkakatuluyan.
Ano ba ang nakaguhit sa aking mga palad at ano ang garantiya na hindi ako tatandang dalaga? Kung makakapag-asawa ako, kailan ito magaganap at sino ang mapalad na lalaking makakasama ko habambuhay?
KASAGUTAN
‘Wag kang mawalan ng pag-asa, Sabrina, sapagkat tiyak na makakatagpo ka rin ng bagong karelasyon. Ito ang nais sabihin ng ikalawa, mas mahaba at magandang Marriage Line (Drawing A. at B. 2-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad.
Tulad ng kasabihan ng matatanda na, “Pagkahaba-haba man ng prosisyon, sa simbahan pa rin ang tuloy,” sa kaso mo, ganito ang posibleng mangyari, “Pagkatagal-tagal man ng paghihintay, may darating pa rin sa tamang panahon na inilaan sa iyo ng kapalaran na magmamahal sa iyo nang habambuhay.”
Ang zodiac sign mong Gemini sa birth date na 16 ay nagsasabi na medyo late o delay lang ang mangyayaring pag-asawa. Ngunit sa pagdating ng isang lalaking may birth date na 8, 17 o 26, sigurado na ang magaganap –iibig kang muli at makakapag-aasawa na hahantong sa simple at panghabambuhay na pagpapamilya.
MGA DAPAT GAWIN
Habang, ayon sa iyong mga datos, sa edad mong 36, isang taon na lang ang iyong hihintayin. Sa susunod na taong 2024, sa ganitong panahon din ng tag-araw, isang lalaking nagtataglay ng zodiac sign na Aquarius ang darating.
Tulad ng nasabi na, ang lalaking ito ang ikalawang magiging boyfriend at tuluyan mo na ring mapapangasawa at makakasama sa pagbuo ng maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya.