ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Palad | May 17, 2023
KATANUNGAN
Naghiwalay kami ng live-in partner ko dahil ‘di kami magkasundo at nalaman kong hindi pala kami compatible, kaya rin siguro ganito ang nangyari.
May manliligaw ako, isa siyang Libra na isinilang noong October 6, 1988. Gayunman, hindi ko pa siya sinasagot dahil umaasa pa rin akong magkakabalikan kami ng dati kong partner. Natatakot din akong lokohin ni Mr. Libra dahil mas matanda siya sa akin ng pitong taon.
Nais kong malaman kung magkakabalikan pa ba kami ng dati kong live-in partner na isinilang noong December 12, 1992? Sino kaya sa dalawang ito ang makakasama ko habambuhay? July 16, 1995 ang birthday ko.
KASAGUTAN
Tama ka, Maxinne, hindi kayo compatible ng dating live-in partner mo dahil ang zodiac sign mong Cancer ay hindi tugma sa zodiac sign niyang Sagittarius. Ang Cancer ay water type sign, habang ang Sagittarius naman ay fire type sign, ibig sabihin, ang pagsasama ng Cancer at Sagittarius ay sadyang ‘di tugma sa isa’t isa.
Ayon sa pag-aanalisang Numerology, ang birth date mong 16 o 7 (1+6=7) at 12 o 3 (1+2=3) naman ang iyong dating live-in partner ay hindi rin compatible, ibig sabihin, malabo talaga na kayong magkabalikan.
Madali namang kinumpirma ng biyak mong Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanang palad na magkabalikan man kayo, tiyak na pansamantala lang ito. Kumbaga, muli man kayo magsama, sa paghihiwalay pa rin ito hahantong.
Buti na lang, may ikalawang mas malinaw at magandang Marriage Line (Drawing A. at B.2-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na sa iyong ikalawang pag-aasawa, sa piling ng lalaking Scorpio, Pisces, Capricorn o kapwa mo Cancer na may birth date na 2, 11, 20, 29, 4, 13, 22, 31, 7, 16 at 25, tiyak ang magaganap – may masaya at panghabambuhay na pag-aasawa.
MGA DAPAT GAWIN
Hinggil sa kasalukuyan mong manliligaw na may zodiac sign na Libra at birth date na 6, tulad ng dati mong live-in partner, hindi mo rin siya ka-compatible. Ang Libra ay air type sign, habang ang Cancer na zodiac sign mo ay nagtataglay ng elementong tubig o water. Ang air at water ay sadyang hindi rin compatible sa isa’t isa.
Sa pag-aanalisang Numerology, hindi rin tugma sa birth date mong 16 o 7 (1+6=7) ang birth date na 6 ng manliligaw mo. Ibig sabihin, kung sakaling sasagutin mo siya, maaaring ‘di rin kayo magkaroon ng masaya at panghabambuhay na relasyon.
Ibig sabihin, malinaw ang pag-aanalisa na ayon sa iyong mga datos, wala sa dalawang lalaking binabanggit ang iyong makakasama at bubuo ng panghabambuhay na pagpapamilya.
Mataas ang tsansang hindi mo pa kakilala ang lalaking para sa iyo. Ngunit sa susunod na taong 2024 at sa edad mong 29 pataas, makikilala mo rin siya. Sa piling ng ikalawang lalaki na panghabambuhay mo nang makakasama sa taong 2024, ika’y magiging maligaya sa lalaking isinilang sa zodiac sign na Scorpio (Drawing A. at B. 2-M arrow b.).