ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Palad | May 29, 2023
KATANUNGAN
Nasa Canada ang mga tiyuhin at pinsan ko, actually pabalik-balik na ro’n ang parents at kapatid ko. Nais ko rin sanang pumunta ro’n, kaso nagdadalawang isip ako dahil ayaw ng boyfriend ko. Baka raw kasi pag nasa Canada na ako ay palitan ko siya.
Kung sakaling makipag-break sa akin ang boyfriend ko, may chance pa kaya kaming magkabalikan?
Nais ko kasi mag-apply do’n, ngunit sabi sa akin ng boyfriend ko ay okey naman raw ang trabaho ko rito, at may stable na trabaho rin naman siya. Kaya ano raw ang dahilan ba’t pa ako pupunta sa abroad. Sa ngayon ay pareho kaming call center agent.
Maestro, ang pangarap ko ay ang makapanirahan sa ibang bansa, ang problema lang ay magkaiba kami ng pangarap ng boyfriend ko.
KASAGUTAN
Liezel, maaaring hindi kayo compatible ng boyfriend mo ngayon, ito ang nais sabihin ng ikalawang mas malinaw at mahabang Marriage Line (Drawing A. at B. 2-M arrow b.) kung ikukumpara sa maikli at medyo pumangit na unang Marriage Line (1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ito ay malinaw na tanda, matutuloy ka pa rin sa Canda, dahil ito rin naman ang matagal mo ng pangarap sa buhay. Kung siya ang first boyfriend mo, tiyak ang magaganap, tuluyan kayong magkakahiwalay ng landas at hindi na magkakabalikan kailanman.
Ayon sa malinaw at malawak na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tiyak na makapag-a-abroad ka, sa sandaling magsimula kang mag-ayos ng iyong mga papeles, hindi na mapipigil ng nobyo mo ang nakatakdang tadhana, sa ayaw at sa gusto niya may isang mabunga at mabiyayang pangingibang-bansa ang itatala sa iyong kapalaran.
MGA DAPAT GAWIN
Tunay ngang minsan wala tayong nagagawa sa mga bagay na nakatakda na. Kadalasan, kahit ayaw natin ang isang bagay, kusa pa rin itong nangyayari at nagaganap.
Ganundin minsan ‘yung mga taong inaakala nating tutulong at maasahan natin na maabot ang ating mga pangarap sa buhay ay sila pa itong nagiging hadlang, dahil sa magkaiba na pangarap.
Kaya minsan, dahil sa magkaibang pangarap, naoobliga tayong humanap ng isang taong mamahalin tayo na kapareho natin ng pangarap.
Habang ayon sa iyong datos, Liezel kung ipagpapatuloy mo na ayusin ang mga dokumento mo para makapunta sa Canada, sa susunod na taong 2024, walang duda, may mabiyayang pag-a-abroad na itatala sa iyong kapalaran, kasabay nito tuluyan na kayong maghihiwalay ng boyfriend mo, ngunit sa nasabing bansa mo na rin matatagpuan ang ikalawang lalaking magiging bahagi ng buhay mo, siya na ring makakasama mo sa pagbuo ng isang bago pangarap - mas masayang love life at mas maunlad na pamumuhay (Drawing A. at B. 2-M arrow b., t-t arrow c.).