ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | June 14, 2023
KATANUNGAN
1.Dati akong OFW, may pag-asa pa kaya akong yumaman? Ang dami ko nang nasubukang negosyo ngunit wala pa rin nangyayari sa buhay ko. Sa lahat ng negosyong pinasukan ko, ‘di man lang ako umunlad at lalo pa akong nabaon sa utang.
2. Ano ba ang maganda kong gawin upang suwertehin ako sa pagnenegosyo, o baka mas magandang bumalik na lang ako sa abroad, dahil mabait naman ang mga amo ko ro’n?
KASAGUTAN
1.Mas makakabuti na bumalik ka na lamang sa abroad kaysa magnegosyo, ito ang nais sabihin ng malawak at malinaw na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad.
2. Ito ay tanda rin na ngayon ay hindi pa nakalaan sa kapalaran mo ang umasenso sa pamamagitan ng negosyo, bagkus tulad ng nasabi na, higit kang papalarin at uunlad sa pangingibang-bansa.
3. Ang pag-aanalisang, higit kang masuwerte at mapalad sa pag-a-abroad kaysa sa pagnenegosyo sa mga panahong ito ng iyong buhay ay madali namang kinumpirma ng lagda mong tila lumilipad at may hugis na parang dollar sa bandang unahan.
4. Ibig sabihin, ngayon pa lang nasasagap na ng unconscious mong isipan, ang muling pagsakay ng eroplano at napipintong paghawak uli ng dollar, habang ikaw ay nagta-trabaho sa ibayong dagat.
5. Samantala, kung negosyo talaga ang nais mo, ang dapat na itatayo mong negosyo ay may kaugnayan sa importation at exportation, upang ang mga produktong iyong gagawin ay magkaroon ng kabayarang dollar. Sa gano’ng nature ng business, tulad ng naipaliwanag na, mas madali kang uunlad, aasenso at yayaman.
6. Subalit tulad ng nauna ng paalala muli, hindi pa ngayon, kundi sa mga susunod pang panahon bago umusbong at tuluyang luminaw ang Business Line (Drawing A. at B. N-N arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ibig sabihin, approximately sa year 2028 to 2029 ka pa dapat magsimula ng nabanggit ng negosyo, upang masigurado ang iyong pag-unlad at pag-asenso.
MGA DAPAT GAWIN
1. Ayon sa iyong mga datos, Clarissa, ngayon ang panahon mo upang mag-abroad. Kaya itigil mo na ang pag-e-experiment ng mga negosyong wala namang katiyakan, dahil patuloy ka lang na malulugi, magpapaluwal at mababaon sa pagkakautang.
2.Muli kang magbalik sa pangingibang-bansa at makikita mo sa ngayong taon ding ito, sa edad mong 34 pataas, tuluy-tuloy nang uunlad at aasenso hanggang sa makag-ipon ka ng sapat na puhunan, at kapag may sapat ka nang puhunan muli kang magsimulang magnegosyo. Sa ganitong paraan, mas matitiyak ang isang mabilis na pag-unlad hanggang sa tuluyan ka nang yumaman.