ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | August 25, 2023
KATANUNGAN
Matagal na akong sumusubaybay sa inyong mga kolum, kaya medyo marunong na akong tumingin ng guhit ng palad. Pero magpapaanalisa pa rin ako sa inyo dahil hindi naman ako expert tulad n’yo.
May sloping Head Line ako o medyo nakakurbang pabilog ang dulo. Sabi n’yo, dapat straight ang Head Line dahil sila ang mga taong yumayaman. Kung hindi yayaman ang may sloping o pakurbang pabilog na Head Line, ano ang mangyayari sa kanyang kapalaran, lalo na pagdating sa career?
Sa ngayon, nag-a-apply ako sa abroad. Ang pinoproblema ko, kapag natuloy ako, sino ang mag-aasikaso sa mga bata? Ngayon kasi, nagtatrabaho rin ang misis ko bilang guro at sabi niya, kahit nasa abroad na ako, hindi pa rin siya magre-resign sa pagtuturo dahil sayang ang benepisyo na matatanggap niya kapag nasa retirement age na siya.
Kaya ngayon, kahit may aplikasyon ako sa abroad, nagdadalawang-isip pa rin ako kung tutuloy ako o hindi.
Sa palagay mo ba, Maestro, may magandang pag-a-abroad ang nakalaan para sa akin? At kahit sloping ang aking Head Line, maaari rin kaya kaming yumaman?
KASAGUTAN
Tulad ng kasalukuyan mong attitude sa buhay, ang nais ipahayag o sabihin ng sloping Head Line (Drawing A. at B. H-H arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Mas mauuna ang negatibong pag-iisip mo kaysa sa magagandang mangyayari sa hinaharap.
Isang kongkretong halimbawa ang iniisip mong pag-a-abroad, hindi ka pa man natutuloy sari-sari nang negatibong bagay at pag-aalinlangan ang pumapasok sa iyong isipan, dahil sloping ang iyong Head Line (H-H arrow a.) na ang ibig sabihin, ay imbis na lumawak ay unti-unting dumidikit o lumalapit sa Life Line (arrow b.) ay nangangahulugang malayo na sana ang narating at naabot mo kundi lamang masyado kang “self-conscious” sa mga binabalak, iniisip, pinaplano at ginagawa mo.
Dagdag dito, hindi ka lang “self-conscious”, ang masaklap pa nito, kapansin-pansin din ang mga pangyayari sa buhay mo na puro negatibong senaryo, na sa halip ay magagandang pangyayari. Ito ang paalala sa’yo ng iyong zodiac sign na Virgo.
Sa madaling salita, kapag hindi mo nabago ang iyong pananaw o attitude sa buhay, tulad ng nasabi na, habang malayo na ang nararating ng mga kasabayan at mga kaibigan mo, kayo naman ng misis mo ay isang kahig isang tuka pa rin. Kahit dalawa pa kayo ang nagtatrabaho, mahihirapan pa rin kayo at marami pa rin kayong mga utang na dapat bayaran. Paano nga kasi masyadong negatibo ang pananaw mo sa halos lahat ng sitwasyon at pangyayari dumarating sa inyong buhay.
MGA DAPAT GAWIN
Habang, ayon sa iyong mga datos, Denver, kapag hindi mo naiwaksi sa iyong isipan ang pag-aalala at alinlangan sa iyong sariling kakayahan kahit patuloy na magturo sa public school si misis at makapag-abroad ka rin, hindi pa rin kayo yayaman.
Sa kabilang banda, tandaang magsisimula lamang kayong yumaman sa sandaling naging positibo at praktikal ang laman ng iyong isipan at kapag mas tinitingnan mo nang mas maganda ang bawat pangyayari sa inyong buhay, unti-unti na ring dumiretso ang sloping Head Line (Drawing A. at B. H-H arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad, hanggang sa unti-unting magbalik sa tamang direksyon — ang pagiging tuwid na Head Line (arrow c.) na nagbabadya ng walang dudang pag-unlad hanggang sa tuluyan na ring yumaman ang inyong pamilya.