ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | December 19, 2023
KATANUNGAN
Bakit ganu’n, masipag naman kaming mag-asawa at parehong may trabaho pero hanggang ngayon, wala pa ring nagbabago sa buhay namin? Mahirap pa rin kami at walang sariling bahay at lupa.
Maestro, may pag-asa pa ba kaming umunlad at magkaroon ng sariling bahay na matagal na naming pinapangarap para hindi na kami mangungupahan?
KASAGUTAN
Nahulog sa pagitan ng hintuturo at hinlalato ang Fate Line na tinatawag ding Career Line (Drawing A. at B. F-F arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Bagama’t malinaw at makapal ang nasabing Fate Line, (arrow b.) dahil nahulog nga ito sa pagitan ng mga daliri (arrow a.) Sa halip na pumirmi sa tuktok ng bundok o pinakailalim ng hinlalato, ito ay tanda na mahihirapan kang makaipon ng sapat na salapi upang matupad ang pangarap n’yong sariling bahay at lupa.
Sa ibang libro ng Palmistry, ang ibig sabihin ng nahulog na Fate Line (Drawing A. at B. F-F arrow a.) sa pagitan ng mga daliri ay magkakapera at hahawak ka rin ng malaking halaga ng salapi, pero ang perang nasabi ay nauubos din agad.
Kumbaga, naging ugali mo na ang bumili ng kung anu-ano at walang kabuluhang bagay, kaysa na mag-ipon. Kung hindi ka magbabago ng kilos, parang trumpong mabilog, sa hinuhukayan mong kahirapan ay habambuhay ka na ring lulubog.
Kaya dapat maging mahusay ka sa paghawak ng pera o pagba-budget ng inyong kinikita at hindi gasta nang gasta. Sa ganyang paraan, baka sakaling umunlad ang inyong kabuhayan at matupad ang pangarap n’yong house and lot.
Ang isa pang pinakamagandang solusyon ay tingnan o suriin mo ang kaliwa at kanang palad ng iyong mister. Kung nakita mong nanatili sa Bundok ng Saturn, ito ang ilalim na malamang bahagi ng daliring panggitna, ang kanyang Fate Line (Drawing A. at B. F-F arrow c.) sa kaliwa at kanang palad, siya ang paghawakin mo ng inyong income. Sa madaling salita, siya na ang pag-budgetin mo sa pang-araw-araw n’yong pangangailangan. Kapag si mister na may Fate Line na hindi nahulog sa pagitan ng mga daliri (arrow c.) ang humawak at nagpaandar ng inyong kabuhayan, magagawa niyang makapag-impok at makapagtabi ng pera, hanggang sa tuluyang magkatotoo ang pinapangarap n’yong sariling lupa at bahay.
MGA DAPAT GAWIN
Sinasabing kung parehong nahulog sa pagitan ng mga daliri ang Fate Line (Drawing A. at B. F-F arrow a. at b.) sa kaliwa at kanang palad ng dalawang mag-asawa, malungkot man sabihin, pero malabo silang umunlad o magtagumpay sa buhay.
Kung ganu’n, ano ang pag-asa na yumaman o umunlad ang pamumuhay ng nasabing mag-asawa? Siyempre, nakasalalay ang kanilang tagumpay sa larangan ng materyal na bagay sa paglaki o pagka-gradweyt ng kanilang mga anak. Isang anak na mayroong good looking Fate Line na hindi nahulog sa pagitan ng mga daliri (arrow c.) kung saan, darating ang panahon sa kanilang buhay na ang nasabing anak ang magpapayaman at maghahatid ng kasaganahang para sa kanila.
Habang, ayon sa iyong mga datos, Rose Marie, ang dapat mong gawin ngayon ay mag-practice ng pormula ng tamang pag-manage sa inyong kabuhayan. Kapag dumarating ang araw ng suweldo, unahin mo ang pagtatabi ng kaunting halaga at saka ka gumastos.
Sa ganyang paraan pagnatuto o marunong ka na mag-manage ng inyong kabuhayan, darating ang panahong lalaki rin nang lalaki ang inyong savings, hanggang sa dumami nang dumami at kapag marami na ang naitabi n’yong pera, sa taong 2028 unti-unti na kayong makakabili ng sariling lupa hanggang sa maipagawa n’yo na ang pinapangarap n’yong dream house.