ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | Pebrero 21, 2024
KATANUNGAN
May boyfriend na ako pero ang pinagtataka ako, may crush akong iba. Sa totoo lang, Maestro, pantasya ko ring makasama ang crush kong ito, lalo na’t alam kong wala naman siyang girlfriend. Kapag nagkakasalubong kami sa daan, natutunaw ako sa hiya dahil crush na crush ko talaga siya.
Medyo naguguluhan ako kasi more than two years na kami ng boyfriend ko, pero bakit humahanga pa rin ako sa lalaking ito? Iniisip ko tuloy na baka hindi kami ang magkatuluyan ng boyfriend ko, gayung mahal na mahal ko siya dahil mabait at sweet siya, masasabi ko ring very romantic naman ang relationship namin.
Ano ba talaga ang nakaguhit sa aking mga palad, at sino ang makakatuluyan ko?
KASAGUTAN
Pangkaraniwan lang naman sa isang tao ang humanga, kaya hindi nakakapagtaka na kahit may boyfriend ka, nagkakagusto ka pa rin sa iba. Samantala, kahit may crush kang iba habang may boyfriend ka, ito ay masasabing normal hangga’t hindi nawawala ang pag-ibig at pagmamahal mo sa iyong boyfriend.
Ang mahalaga, ayon sa kaisa-isang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad, kung mahigit dalawang taon na ang meaningful at romantic naman relationship n'yo ng boyfriend, sa takdang panahong inilaan ng kapalaran, kayo pa rin ang magkakatuluyan.
Tunay ngang kapag maraming “punpon ng maliit na guhit” sa Bundok ng Venus (Drawing A. at B. arrow b.) ang isang babae o lalaki sa kaliwa at kanan niyang palad, ito ay malinaw na tanda na madali siyang magka-crush o humanga sa kanyang opposite sex. Ngunit ang mga paghangang ito ay hindi naman hahantong sa isang lehitimong relasyon hangga’t ang nasabing punpon ng maliit na guhit ay hindi naman lumagpas sa Life Line (L-L arrow c.) at Head Line (H-H arrow d.) sa kaliwa at kanang palad ng isang indibidwal.
Matakot ka kapag ang nasabing guhit ng paghanga o “line of crushes” ay humaba nang husto, tumawid sa Life Line at Head Line, hanggang sa bandang huli, ang nabanggit na mga paghanga sa opposite sex ay mauuwi sa isang lehitimo, matamis at masarap, ngunit ito ay pawang panandaliang pakikipagrelasyon lamang.
MGA DAPAT GAWIN
Kung ang average na buhay ng tao para sa mga lalaki ay sinasabing humigit-kumulang sa 75 years old, habang sa mga babae ay 80 years old, sa mahabang karanasang ‘yun ng kanyang buhay, hindi maiiwasan na humanga o ma-inlove pa nang hindi lang isang beses, bagkus ay maraming beses.
Pero hindi naman sa dami ng hinahangaan o inibig mo ang basehan ng masaya at panghabambuhay na pagpapamilya. Bagkus, ang tunay na basehan ay ang isang beses mong minahal at inibig nang tapat ay naging habambuhay at siya ang nakasama mo sa pagbuo ng pamilya hanggang sa tuluyan na kayong tumanda.
Ganu’n ang mangyayari sa takda mong kapalaran, Eva Marie. Ayon sa iyong mga datos, marami ka pang hahangaang lalaki, ngunit mauuwi na lang ‘yun sa purong paghanga at hindi magiging lehitimong relasyon, hanggang sa kusang dumating at matupad ang kaisa-isang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ito ay nagsasabing ang kasalukuyan mo nang boyfriend ang makakatuluyan mo, na nakatakdang mangyari sa susunod na taong 2025 sa edad mong 26 pataas.