ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | Marso 24, 2024
KATANUNGAN
May karelasyon ako ngayon. Crush ko siya, at nagkataon din palang crush niya rin ako, kaya naging mag-on kami. Tuwing magkasama kami, gusto kong hindi na kami magkahiwalay pa at kapag hindi ko naman siya nakikita o nakakasama ay hinahanap-hanap ko siya.
Gusto kong malaman kung umiibig na ba talaga ako? Ngayon ko lang naramdaman ang ganitong feeling, at kapag nakikita ko siya na may kasama o kausap na iba, asar na asar ako.
Naitanong ko sa inyo ang mga bagay na ito dahil nalilito ako sa aking nararamdaman. Nagtataka kasi ako sa sarili ko kung bakit siya na lang palagi ang laman ng puso’t isipan ko mula umaga, tanghali, hanggang hapon pati na rin sa pagtulog ko sa gabi.
Sana, matulungan mo akong bumalik sa normal ang buhay ko. Sa ngayon kasi, medyo nahihirapan ako. Ewan ko ba kung bakit puro siya na lang ang laman ng aking isipan. Talaga bang umiibig na ako o naloloka na? Natatakot tuloy ako na baka bigla akong makapag-asawa nito.
KASAGUTAN
Ganyan talaga ang mga taong inlab, parang nagkahalong naloloka at nagmamahal.
Samantala, may babala ng maagang pag-aasawa ang nais sabihin ng sobrang lapit na Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na kapag patuloy kang naloka at nahibang sa sinasabi mong lalaki, posibleng sa malapit na hinaharap, nasa panahon o wala sa panahon mang matatawag, bigla kang makakapag-asawa.
Subalit, dahil bata ka pa at hindi ka pa tapos ng pag-aaral, kailangan mong pigilin mo ang iyong nararamdaman at haling na pag-ibig sa iyong boyfriend nang sa gayun ay bago ka makapag-asawa, makatapos ka muna ng pag-aaral.
Makakaya mo naman itong pigilin, sapagkat ayon sa mataba at malaking itaas na bahagi ng daliring hinlalaki (arrow c.), kung gagamitin mo ang will power o pag-iral ng matining na kalooban, ang kasalukuyan pagka-inlab, hindi naman sa dapat mong pigilin, bagkus dapat din naman gamitan mo ng rason o isip upang hindi ka tuluyang mapalautan.
Sa balanseng gamit ng rason at damdamin sa panahong ikaw ay umiibig, hindi ka magkakamali ng pagpapasya, sa halip ay matatama ka ng desisyon, hindi ka maliligaw ng landas at bago makapag-asawa, makakatapos ka muna ng pag-aaral. ‘Ika nga ng Mathematician at Philosopher na si Blaise Pascal, “We know the love, not only by the heart, but also by the reason.”
MGA DAPAT GAWIN
Marga, kapag patuloy kang nahibang sa kasalukuyang pag-ibig na iyong nararamdaman, sa mura mong edad na 19, maaaring kang makapag-asawa na magiging dahilan upang hindi ka makatapos ng pag-aaral (Drawing A. F-F Drawing A. arrow d.). Ngunit sa kabilang banda, kung kasabay ng nakakabaliw na pag-ibig, babalansehin mo ito ng rason o malinaw na kaisipan, mas higit na matutupad ang tuluy-tuloy na Fate Line (Drawing B. F-F arrow d.) na nakasampa sa Bundok ng Tagumpay (arrow d.), sa kaliwa at kanan mong palad.
Ibig sabihin, bago ka makapag-asawa, makakapagtapos ka muna ng pag-aaral upang minsan pa, muli na namang mapatunayan ang isa pang katotohanan na ang pag-ibig na ginamitan ng isip, sa halip na puro puso at puson lamang, tiyak ang isang mas maunlad at mas maligayang pag-aasawa (Drawing A. at B. 1-M arrow a.).