ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | August 19, 2021
KATANUNGAN
1. Ayaw kong lokohin ang misis ko, pero minsan ay sadyang dumarating ang tukso sa ating buhay at masasabi kong tama ka, Maestro, dahil minsan, mahirap maiwasan ang isang bagay na itinakda ng kapalaran.
2. Hindi ko na pahahabain pa ang aking kuwento. Nagkaroon ako ng kalaguyo na minahal ako nang todo, gayung siya ay dalaga at wala pang karanasan nang aking makuha. Noong una, aaminin kong sex lang ang habol ko sa kanya, pero ngayon ay napamahal na siya sa akin. Hindi ko rin maintindihan kung talagang napamahal ako sa kanya o naaawa lang ako kung makikipaghiwalay ako.
3. Gusto kong malaman kung maiiwasan ko pa ba siya, gayung halos araw-araw ay nagkikita kami at kadalasan ay paulit-ulit na may nangyayari na sa amin? Ang hindi ko lubos maisip, bakit ako nagustuhan ng babaeng ito, gayung marami namang binata at mas bagay sa kanya?
4. Ang kinakatakutan ko ay ang mabuntis siya. Bukod kasi sa ayaw kong magka-anak sa labas, natatakot din akong matuklasan ng misis ko ang lihim naming relasyon na ikasira ng pamilya ko. Mahal ko ang aking pamilya at ayaw kong maging broken family kami dahil ayaw kong maapektuhan ang kinabukasan ng mga bata.
5. Maestro, may pag-asa pa bang maiwasan ko ang babaeng ito at nakaguhit ba sa aking palad ang magkaroon ng wasak na pamilya kung sakaling matuklasan ng misis ko ang aming lihim na relasyon?
KASAGUTAN
1. Kung hindi buo ang loob mo sa pambababae na iyong ginagawa, mas mabuti pang hangga’t maaga-aga ay tumigil ka na dahil sa bandang huli, kapag nagkabukingan, ikaw din ang lalabas na kaawa-awa. Alam mo, ang ibang lalaking nambabae, ang totoo ay buo ang loob nila at bago pa nila ginawa ‘yun, tantiyado na nila kung paano sila magpapalusot sa kani-kanilang asawa kung sakali mang magkabistuhan.
2. Hindi bagay sa iyo ang pambababae – ‘yan ang nais sabihin ng magkasamang Head Line at Life Line (Drawing A. at B. H-H at L-L arrow a.) ng mahigit isang pulgada. Ibig sabihin, sa tanang buhay mo, kung tutuusin ay ngayon ka pa lang natutong gumawa ng kalokohan, kaya hindi mo maisip kung ano ang kahihinatnan nito. At sa bandang huli, dahil hindi ka marunong gumawa ng pagkakamali at hindi mo nakasanayang manloko ng iyong kapwa, mahuhuli ka na maaaring ikasira ng iniingat-ingatan mong pamilya.
3. Ito ang nais sabihin ng nawasak at nagulong Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Gayunman, buti na lang at nanatili pa ring matino ang kaisa-isa at maayos na Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na matapos kang mahuli ng iyong misis, pansamantalang magugulo ang sistema at kaayusan sa buhay ng iyong pamilya, ngunit tulad ng pangkaraniwang pagsubok na dumarating sa buhay ng isang tao, malulusutan niyo rin ‘yan, hanggang sa muli kang patawarin ng iyong asawa at makabalik sa normal at maayos na buhay ang inyong pamilya.
MGA DAPAT GAWIN
1. Ayon sa iyong mga datos, AR, ngayon pa lang ay paghandaan mo na ang magaganap. Siguradong sa malapit na hinaharap ay mabibisto rin ni misis ang ginagawa mong pambababae. Ngunit tulad ng nasabi na, sa umpisa ay magkakagalit at magkakahiwalay kayo, pero pansamantala lang’yun.
2. Sa sandaling nakiusap at nagmakaawa ka sa kanya na hindi mo uulitin pa ang iyong pambababae, maluwag sa puso ka niyang tatanggapin upang muling mabuo at maging maligaya ang inyong pamilya.
3. Sa parte mo naman, ‘wag ka na muling mambabae. Tutal naranasan mo na ito at ang isa pang mas mahalagang dahilan, tunay ngang ayon sa iyong mga datos, hindi talaga bagay sa iyong pagkatao ang mambabae, dahil sa pambababae, hindi ka naman talaga magiging maligaya at sa halip na sarap, ang aanihin mo lang ay sakit ng ulo at dagdag na problema.