ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | October 13, 2021
KATANUNGAN
1. Madalas kaming mag-away ng mister ko dahil sa dami ng aming mga utang na hindi nababayaran. Maliit lang kasi ang suweldo niya sa security agency at kung minsan ay hindi pa siya nababayaran.
2. Ang problema, gusto ko siyang tulungan dahil nakatapos naman ako ng college sa kursong education, kaya nag-a-apply ako sa mga eskuwelahan, kaso hindi naman kailangan ngayon ang mga teacher sa private school, at sa public naman ay hindi ako makapasok dahil hindi pa ako board passer. Kaya ngayon, sabi ng mister ko ay sa bahay na lang ako at alagaan ang mga bata. Nakipagtalo ako sa kanya at sabi nya, kung magtatrabaho ako, siya na lang daw ang maiiwan sa bahay at lalo kaming nag-away.
3. Maestro, sa inyong palagay, ano ba talaga ang dapat naming gawin para makaraos kami sa mga utang at gumanda ang aming kabuhayan kahit kaunti? Gulong-gulo na kasi ang isip ko ngayon.
KASAGUTAN
1. Tama ang nasa isip mo, Annalie. Upang makaraos sa mga pagkakautang at lalo pang gumanda ang kabuhayan ng iyong pamilya, dapat kang magtrabaho, sapagkat napakaganda at napakalinaw ng Fate Line (Drawing A. at B. F-F arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ibig sabihin, kung noon ka pa nagtrabaho o noon mo pa ginamit ang iyong pinag-aralan, hindi sana kayo namomroblema ngayon sa aspetong pampinansiyal.
2. Ang problema mo na lang ngayon ay kung paano kukumbinsihin ang iyong mister sa binabalak mong pagtatrabaho. Gayunman, tumanggi man o hindi ang iyong mister kung muli mo siyang paliliwanagan, ang nasabing magandang Fate Line (F-F arrow a.) at nagtataglay ka rin ng magandang signature, na bukod sa umangat ay lumaki pa ang mga letra ang siyang kumumpirma na sa malapit na hinaharap, muling mabubuhay ang iyong career. Pagkatapos nito, tuloy-tuloy ka nang makatutulong at hindi lang makakatulong kundi ikaw ang mag-aahon sa financial problem ng iyong pamilya (arrow a.) hanggang sa tuluyan na ring umunlad ang inyong kabuhayan.
MGA DAPAT GAWIN
1. Ibig sabihin lang, “vital” o mahalagang paraan sa buhay ninyong mag-anak ang iniisip mong magtrabaho dahil kung hindi ka kikilos, tulad ng iyong kinatatakutan, tuluyang mababaon sa utang ang inyong pamilya.
2. Habang, ayon sa inyong mga datos, Annalie, kaunting paliwanag pa kay mister, darating din ang panahong papayagan ka niyang magtrabaho. Ito ay inaasahang magaganap sa taon ding kasalukuyan sa buwan ng Nobyembre o Disyembre kung saan makapagtatrabaho ka na at ito ang magiging susi o simula upang tuloy-tuloy nang makaahon ang iyong pamilya sa mga problemang pampinansiyal hanggang sa tuluyang umunlad ang inyong kabuhayan.