ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | June 17, 2021
KATANUNGAN
1. Ako ay isang katulong at may malaki akong problema. Nasa abroad ang amo kong lalaki habang kaming dalawa lang ng amo kong babae ang naiwan sa bahay kasama ang kanilang anak na 5-anyos. May lihim na karelasyon ang amo kong babae at kapag nalaman ito ng aking among lalaki ay tiyak na may malaking gulo.
2. Kung hindi naman niya malalaman, naaawa ako sa kanya dahil nagtitiis at nagsisikap siya sa abroad para sa kanyang pamilya, tapos lolokohin lang siya ng kanyang asawa.
3. Sa ngayon, balak kong isumbong ang amo kong babae, pero nagdadalawang-isip ako. Kung hindi ko naman isusumbong, ako naman ang sisisihin ng isa kong amo.
4. Nalilito ako kaya balak ko nang umalis dito at lumipat ng ibang trabaho bago pa magkabistuhan. Tama ba ang pasya ko, kung oo, madali ba akong makakahanap ng bagong amo?
KASAGUTAN
1. Ang ‘wag na ‘wag mong pakikialaman ay away ng mag-asawa dahil ikaw pa ang sisisihin nila at sa bandang huli, ikaw pa ang magiging masama.
2. Mas tama ang iyong huling pasya. Bago mahuli ang lahat, umalis ka na sa kasalukuyan mong amo, na siya namang nais sabihin ng nagbagong Fate Line (Drawing A. at B. F-F arrow a.) pero hindi naman naputol o huminto (arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ibig sabihin, isang hindi inaasahang sitwasyon ang darating na magpapabago ng iyong pasya at trabaho na sa bandang huli, mula sa dati at okey nang trabaho, lalo pang bubuti at gaganda ang iyong hanapbuhay. At tulad ng nasabi na, humigit-kumulang, ngayon na ito posibleng mangyari, kung hindi sa buwan ng Hunyo, pinakamatagal na sa buwan ng Hulyo 2021.
MGA DAPAT GAWIN
1. Kung nakakita ka ng pagkakamaling ginagawa ng iyong kapwa, lalo pa’t napansin mong ang ginagawang ito ay injustices o kawalang katarungan sa iba, dapat mo ba itong pakialaman o ipagsabi?
2. Sa mga sobrang tino at idealistic na indibidwal, mabilis silang sasagot na “Dapat lang,” samantalang sa mga praktikal at ayaw sumuong sa isang gulo, sa halip ay nangangarap ng simpleng buhay, sasagot silang “‘Wag na lang!”
3. Ganundin ang payo ni Ginoong Pasta kay Basilio sa nobela ni Dr. Jose Rizal na El Filibusterismo, kung saan tinatanong ni Basilio kung bakit si Ginoong Pasta, bagama’t isang mahusay na abogado nang mga panahong ‘yun ay hindi nakikialam sa organisasyong “reporma” para sa ikagaganda ng kalagayan ng kanyang mga kababayan na inaapi ng mga Kastila. Simple lang ang sagot ni Ginoong Pasta kay Basilio, “Mabuti pa, iho, pagbutihin mo na lang ang iyong pag-aaral bilang doktor at kapag naging mahusay kang manggagamot, gamutin mo ang iyong mga kababayan, pagkatapos ay mag-asawa ka at bumuo ng masayang pamilya.” Hindi sinunod ni Basilio ang payo, sa halip na pagbutihin ang kursong medisina, nakilahok siya sa pag-aalsa ng mga kabataan sa Maynila. Nang dakipin sila ng mga Kastila, nakulong si Basilio habang ang mayayamang kabataan na kasama niyang nagsipag-aklas ay nagkumahog magtago sa ibang bansa. Ang kaawa-awang Basilio, dahil mahirap at walang kamag-anak na tutubos sa kanya, siya lang ang nakulong.
4. Ganundin ang buhay ng tao sa kasalukuyan, kailangang piliin mong mabuti ang nais mong landasin. Gusto mo bang maging bayani at iahon ang mga kababayan mo sa kahirapan? Kung oo ang iyong tugon, magtiis kang makulong o isakripsiyo mo ang kinabukasan ng iyong pamilya. Subalit kung simpleng buhay ang ibig mo, mas mainam pa marahil sundin ang nasabing payo ni Ginoong Pasta.
5. Habang, ayon sa iyong mga datos, Daniela, hindi mo dapat pakialaman ang problema ng iyong mga amo, sa halip, ang isipin mo ay kung paano mapagaganda ang iyong career at sarili mong buhay. Sa ganyang paraan, mas magiging maunlad ka at habambuhay na magiging maligaya.