ni BRT | June 7, 2023
Lumakas pa ang Bagyong Chedeng habang mabagal itong kumikilos sa Philippine sea sa silangan ng Eastern Visayas, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) kahapon.
Sa tala ng PAGASA nitong alas-5 ng hapon, namataan ang mata ng bagyo 1,150 kilometro ang layo sa silangan ng Southeastern Luzon na may maximum sustained winds na 55 kilometer per hour at pagbugsong 70 kilometer per hour.
Halos hindi naman umano gumagalaw ang bagyo at wala pang direktang epekto sa kahit anong bahagi ng bansa.
Wala pa ring naitalang Tropical Cyclone Wind Signal ang PAGASA na dulot ng nasabing bagyo.
Samantala, iniulat ng PAGASA na inaasahang lalakas pa ang tropical depression Chedeng sa susunod na apat na araw at maaaring itaas sa kategoryang tropical storm.