ni Jeff Tumbado / Mai Ancheta @Weather News | July 26, 2023
Napanatili ng Super Bagyong Egay ang lakas nito habang patuloy na nananalasa sa ilang mga lugar sa Northern Luzon.
Ito ang inihayag ng Philippine Atmospheric Geophysical and astronomical Services Administration (PAGASA) sa inilabas na advisory sa bagyo.
May bitbit na malakas na hangin ang Bagyong Egay at itinaas sa Signal Number 5 ang ilang bahagi ng Babuyan Islands habang nakataas naman sa Signal No. 4 ang mga bayan ng Sta. Ana, Gonzaga, Claveria, Sanchez Mira, Pamplona, Abulug, Ballesteros, Aparri, Buguey, Sta. Teresita, at Calamaniugan sa Cagayan.
Inilagay naman sa Signal No. 3 ang Isabela, Apayao, Ilocos Norte, ilang bahagi ng Kalinga, Batanes at ilang bahagi ng Abra.
Signal No. 1 naman ang lalawigan ng Quezon kasama na ang Polillo Islands, ilang bahagi ng Nueva Vizcaya, ilang bahagi ng Benguet, La Union, Nueva Ecija, Pangasinan, Tarlac, Zambales, Bulacan, Pampanga, Bataan, Cavite, Metro Manila, Rizal, Laguna, Batangas, Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes at Marinduque.
Nakararanas na ng kawalan ng supply ng kuryente sa lalawigan ng Cagayan dahil naapektuhan ng malakas na bagyo ang mga linya ng kuryente.
Batay sa pagtaya ng PAGASA, inaasahang lalabas ang Bagyong Egay sa Philippine Area of Responsibility sa Huwebes ng umaga.