ni Mai Ancheta @News | August 27, 2023
Itinaas sa Signal no. 3 ang ilang bahagi ng Cagayan gayundin sa Divilacan at Palanan sa Isabela dahil sa Bagyong Goring na patuloy na lumalakas habang palapit sa Babuyan islands.
Ayon sa inilabas na weather bulletin ng PAGASA, maaari pang lumakas ang Bagyong Goring at maging super typhoon sa Lunes.
Nakataas ang Signal no. 3 sa Sta. Ana, Cagayan dahil malapit ito sa dagat habang Signal no. 2 naman sa mga bayan ng Dinapigue, San Mariano, Ilagan City, Maconacon, Cabagan, Tumauini at San Pablo sa lalawigan ng Isabela.
Nakataas din ang Signal no. 2 sa mga bayan ng Peñablanca, Baggao, Gattaran, Lal-lo, Gonzaga, Sta. Teresita at Buguey sa probinsiya sa Cagayan, gayundin sa Dilasag at Casiguran sa Aurora province.
Signal no. 1 naman sa Batanes at ilang bahagi ng Cagayan pati na sa Babuyan Islands, Quirino, Apayao, Nueva Vizcaya, Ifugao, Kalinga at Mountain Province.
Makakaranas naman ng mga bahagyang pag-ulan sa Aurora, Bataan, Metro Manila, Calabarzon, Bicol region at Mimaropa dahil sa habagat.
Batay sa pagtaya ng PAGASA, inaasahang lalabas sa Philippine Area of Responsibility si Goring sa Huwebes.