ni Gerard Arce @Sports | February 21, 2024
Magtatapos na ang pangarap ng nag-iisang eight division World champion na si Manny “Pacman” Pacquiao na matupad ang paglalaro sa Summer Olympic Games matapos itong hadlangan ng International Olympic Committee (IOC) dahil sa kanyang edad.
Naglabas ng isang liham ang IOC para sa Philippine Olympic Committee (POC) na naglalahad ng mensaheng pagtutol sa apila ng dating Senador na makakuha ng kwalipikasyon sa 2024 Paris Olympics, dulot ng limitasyon sa inilabas na 40-anyos na patakaran para makapaglaro sa Olympiad.
Hindi na maaari pang maipagpatuloy pa ng Filipino boxing legend ang kagustuhang makasuntok sa Olympiad dahil tumuntong na ito sa 45-anyos, kahit pa man sumabak ito sa isa sa mga kwalipikasyon na inilalabas ng IOC ay walang magiging katuparan.
“Too bad our beloved boxing icon is disqualified because of his age and that everyone needs to go through qualifiers, in all sports, to be able to participate in Paris,” paliwanag ni POC president Abraham “Bambol” Tolentino.
Tanging si 2020 Tokyo Olympics bronze medalist Eumir Felix Marcial ang natatanging boksingero sa kasalukuyan ang nakakuha ng pwesto sa Paris Games matapos itong magwagi ng pilak na medalya sa 19th Asian Games sa Hangzhou, China sa men’s light-heavyweight division.
Sinabi ni James McLeod, IOC Director para sa National Olympic Committee Relations, sa kanyang sulat na pinadala sa national Olympic body na hindi pinapayagan ang kahilingan ni Pacquiao na makasuntok sa Paris.
“The only valid boxing qualification system for Paris 2024 is the one approved by the IOC Executive Board in September 2022 published and distributed to NOCs and boxing national federations on 6 December 2022,” saad ni McLeod sa naturang liham.
“This includes the age limit of 40,” dagdag ni McLeod, kung saan hindi rin pumasa si Pacquiao sa ipinapalabas na Universality rule para sa Paris Olympics.