ni Eli San Miguel @News | October 26, 2023
Umabot na sa P250,000 ang pabuya para sa impormasyon ukol sa kinaroroonan ng nawawalang beauty queen na si Catherine Camilon, ayon sa Philippine National Police (PNP).
Itinaas ang halaga nito matapos magbigay ng karagdagang P50,000 ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) para sa pabuya.
Una nang nagbigay ng tig-P100,000 si Batangas Vice Governor Mark Leviste at isang business sector sa rehiyon para sa paghahanap ng nawawalang beauty queen.
Batay sa CCTV footage na nakuha noong Oktubre 12, nakita ang sasakyan ni Camilon na dumaan sa ilang bayan sa Batangas.
Ayon sa pulisya, tila hindi mag-isa si Camilon.
Isang "person of interest" ang natukoy, at patuloy ang imbestigasyon upang kolektahin ang higit pang impormasyon tungkol sa nasabing indibidwal.
Sinabi ni Police Brigadier General Paul Kenneth Lucas, hepe ng PRO 4A, malaki ang pag-asa ng mga awtoridad na buhay pa si Camilon.
Huling nakita si Camilon, kandidata ng Miss Grand Philippines 2023 na nagrepresenta sa munisipalidad ng Tuy, noong Oktubre 12 sa isang mall sa Lemery.
Maaaring makipag-ugnayan sa pulis ang sinumang may impormasyon tungkol sa nawawalang beauty queen, sa numerong 0917-3295952.