ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Nov 2, 2024
SENADO, NADUWAG KAY EX-P-DUTERTE KAYA HINDI NA PAHAHARAPIN SA EJK SENATE HEARING? -- Sinabi ni Minority Leader, Sen. Koko Pimentel na hindi na raw niya ipapatawag si ex-P-Duterte sa mga susunod na hearing ng Senate Blue Ribbon Committee patungkol sa isyung extrajudicial killings (EJK) sa bansa noong panahon ng Duterte administration.
Naku, eh baka isipin ng publiko na naduduwag na ang Senado kay ex-P-Duterte kaya’t ayaw na niya itong padaluhin, lalo’t nakita ng mamamayan kung paano bara-barahin ng ex-president si Sen. Risa Hontiveros, period!
XXX
KAPAG TINANGGAP NI EX-P-DUTERTE ANG HAMON NI CONG. ABANTE KAPANA-PANABIK ‘YAN, TIYAK AABANGAN ANG BANGAYAN NILA SA QUADCOMM HEARING -- Kung si Sen. Koko ay ayaw nang paharapin si ex-P-Duterte sa Senado, hinamon naman ni Manila 6th District Rep. Benny Abante na humarap sa Quad Committee ng Kamara na nag-iimbestiga rin sa EJK sa bansa.
Kapag tinanggap ni ex-P-Duterte ang hamon ni Cong. Abante, aba’y kapana-panabik iyan kasi tiyak masasaksihan ng publiko ang bangayan ng dalawang pulitikong lolo sa Kamara, abangan!
XXX
TIYAK NAPAARAY ANG MGA KURAKOT NA PULITIKO SA SINABI NI DIWATA NA HINDI SIYA KUMANDIDATO PARA LANG ‘MAGKAWATAN’ -- Sinabi ni Deo Balbuena alyas Diwata na 4th nominee ng Vendors Partylist na hindi raw siya kumandidato para “magkawatan” (magnakaw). Kaya raw siya kumandidato ay para sa kapakanan ng mga kapwa niya vendors.
Tiyak “napaaray” ang mga kurakot na pulitiko sa sinabing ito ni Diwata kasi sa totoo lang, maraming politicians ang nagsipag-file ng certificate of candidacy (COC) para kapag nanalo, ang aatupagin ay ‘magnakaw’ sa kaban ng bayan, period!
XXX
HARRY ROQUE ‘BAHAG ANG BUNTOT’ NA HUMARAP SA DOJ -- Napa-wow reactions ang netizens nang buong tapang na maglabas ng statement sa social media si former presidential spokesman Harry Roque na haharapin daw niya ang no bail na kasong qualified trafficking in person na isinampa sa kanya ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).
Ang wow reactions ng netizens ay napalitan ng “ha-ha-ha” reactions sa sumunod na statement ni Roque na hindi raw siya pupunta sa Dept. of Justice (DOJ) at sa halip ay ipapadala na lang daw niya ang kanyang counter-affidavit sa DOJ.
Mapapa-ha-ha-ha reactions talaga ang netizens kasi akala nila matapang na si Roque, ‘yun pala, ‘bahag din ang buntot’ na humarap sa DOJ, boom!