ni Pablo Hernandez @Prangkahan | August 18, 2024
DAHIL SA KAWALAN DAW NG RESPETO SA MAGULANG, KINONTRA NI MANILA COUNCILOR LOU VELOSO ANG AUG. 4: ‘CARLOS YULO’ DAY -- Kinontra ni Manila 6th District Councilor Lou Veloso ang panukala ni Manila 6th District Councilor Philip Lacuna na gawing “Carlos Yulo Day” ang August 4 dahil ayon kay Konsi Veloso ay hindi dapat bigyan ng ganitong parangal ang atleta na ipinakikita sa publiko na matigas ang puso sa mga magulang, na baka raw gayahin ito ng mga batang umiidolo kay Caloy.
May punto si Konsi Veloso na tutulan ang panukalang ito, lalabas na parang kinukunsinte ng Manila City LGU ang ipinakikitang kawalang respeto ni Caloy sa kanyang mga magulang, sa ina at sa pamilya, period!
XXX
KASIRAAN SA ‘PINAS ANG BINTANGAN NG MGA KAMPO NG DUTERTE AT MARCOS TUNGKOL SA KUNG SINO SA KANILA ANG SANGKOT SA DROGA -- Matapos ang sunud-sunod na pag-atake ng kampo ni ex-P-Duterte na adik sa cocaine si Pres. Bongbong Marcos (PBBM), ay nagsagawa naman ng imbestigasyon ang mga pro-Marcos congressmen, at sa inilabas nilang presong testigo na si former Customs intel operative Jimmy Guban ay ibinulgar nito na nagpasok daw noon ng shipment ng shabu si Chinese national Michael Yang, kasabwat umano sina Davao Rep. Paolo Duterte at Mans Carpio na mister ni Vice Pres. Sara Duterte-Carpio.
Bintangan nang bintangan tungkol sa droga, at hindi na naisip ng kampo nina Duterte at Marcos na ang ginawa nilang ito ay kasiraan sa Pilipinas dahil hindi maiaalis na pag-usapan sa ibang bansa na ang ‘Pinas ay mayroon umanong presidenteng adik, na ang mister at kapatid daw ng bise presidente ay mga drug trafficker, tsk !
XXX
DAHIL SA SIRAAN NG DUTERTE VS. MARCOS, BAKA MARAMING PINOY ANG MAWALAN NG WORK -- Nakakabahala ang batuhan ng akusasyon ng kampo nina Duterte at Marcos tungkol sa droga.
Kasi kapag naniwala ang mga foreign investor na adik ang presidente at sangkot sa kalakaran ng droga ang pamilya ng bise presidente ay baka tuluyang hindi na sila mag-invest ng negosyo sa ‘Pinas, at ang mga may negosyo na sa bansa ay baka i-pullout ang kanilang mga business, at kapag nangyari iyan, tiyak maraming Pinoy ang mawawalan ng work, saklap!
XXX
NO BAIL ANG KASONG ISASAMPA KAY HARRY ROQUE -- Noong makulong ang noo’y Sen. Leila de Lima sa kasong no bail na drug trafficking, inalaska ito ng noo’y presidential spokesman Harry Roque nang sabihan nito ang detenidong senadora nang, “May you spend the rest of your life in jail.”
Ang pang-aalaskang ito noon ni Roque kay De Lima ay nagbu-boomerang sa kanya ngayon kasi ang kasong qualified trafficking in person na isasampa ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) laban sa dating presidential spokesman ay no bail din. Dahil diyan, kapag nakulong siya ay puwedeng ang dating senadora naman ang mang-alaska at sabihan ito (Roque) nang, “May you spend the rest of your life in jail,” boom!