ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Sep. 23, 2024
MAGAWA KAYA NINA CONG. DAN FERNANDEZ AT MAYOR ARLENE ARCILLAS NA IPA-TOKHANG ANG MANGRARAKET NA SI ‘JUDITH’? -- Isang alyas “Judith” daw ang may “puesto-pijo” ng color games at drop balls sa Brgy. Balibago, Sta. Rosa City, Laguna.
Tingnan nga natin kung kaya nina Sta. Rosa Rep. Dan Fernandez at Mayor Arlene Arcillas na ipa-tokhang si “Judith” at ipa-raid sa kapulisan ang raket na color games at drop balls sa lungsod na ito, abangan!
XXX
HINDI BASTOS SI EX-VP LENI KAYA TINANGGAP NA BISITA SI VP SARA -- May nag-imbita kay Vice Pres. Sara Duterte-Carpio sa Penafrancia Festival sa Naga City, at habang nasa Naga City, iyong nag-invite kay VP Sara ay nag-arrange na bisitahin nito si former VP Leni Robredo, at nang i-inform sa dating bise presidente na bibisitahin siya ni VP Sara ay pinaunlakan naman ito ni ex-VP Leni.
After ng pag-uusap ay kapwa nagpalabas ng statement sina VP Sara at ex-VP Leni na walang isyung pulitika ang kanilang pinag-usapan.
Ang masaklap, ginawa pa itong isyu ng iilan, na kung bakit daw tinanggap pa ni ex-VP Leni si VP Sara bilang bisita dahil kalaban daw nila ito sa pulitika.
Para du’n sa mga kumukuwestiyon na bakit in-entertain pa ng dating bise presidente si VP Sara, ito lang ang pakisalpak sa kukute ninyo, hindi bastos si ex-VP Leni, period!
XXX
MAR ROXAS AT FRANKLIN DRILON, MUNTIK NANG MAKASAMA NI DE LIMA SA SELDA -- Kung totoo ang ibinulgar ni former Iloilo City Mayor Jed Mabilog na kaya siya inili-link sa droga ni ex-P-Duterte at ipinahuhuli sa noo’y PNP chief, Sen. Ronald Dela Rosa ay para pagawain daw siya ng iskrip at isangkot sa illegal drugs sina former DILG Sec. Mar Roxas at former Sen. Franklin Drilon.
Kung hindi pala naka-eskapo patungong Amerika si Mabilog at siya ay nahuli, aba’y malamang nakasama ni former Sen. Leila de Lima sa selda sina Roxas at Drilon, boom!
XXX
HINDI MAN AMININ, MALAMANG ANG MGA KUMPANYANG NAGBIGAY NG REGALO SA MAY BAD IMAGE NA SI CALOY, NAGSISISI NA NGAYON -- Matapos sibakin ng Milo Philippines si 2 gold medalist Carlos Yulo bilang endorser ng kanilang produkto dahil sa masamang ugaling ipinakita nito sa publiko ay maaaring du’n lang napagtanto ng ibang kumpanyang nagbigay ng regalo kay Caloy na mali ang desisyon nilang binigyan pa nila ito (Caloy) ng importansya.
‘Ika nga, hindi man aminin ay tiyak nagsisisi ang mga may-ari ng mga kumpanya kung bakit binigyan pa nila ng regalo ang atletang bad ang ugali, period!