ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Sep. 26, 2024
IMBES SA GOBYERNO MAPUNTA, SA BULSA NG GAMBLING LORDS SA BATANGAS NAPUPUNTA ANG MALAKING KITA SA STL -- Kumuha sina alyas "Tisoy" at "Nonit" ng sangkaterbang kubrador ng illegal STL-bookies para kumpetensyahin ang legal na operasyon ng STL sa Batangas.
Aba’y dapat ipa-tokhang na agad nina PNP-Region 4-A Director, Brig. Gen. Kenneth Lucas, Batangas PNP Director, Col. Jack Malinao at Gov. Hermilando Mandanas sina
"Tisoy" at "Nonit" kasi kung walang gagawing aksyon, sa bulsa ng dalawang gambling lords na ito mapupunta ang malaking kita sa STL-bookies, imbes na sa pamahalaan, period!
XXX
PATI PANGUNGUTANG SA MGA FINANCIAL INSTITUTION SA MUNDO, IBINIBIDA NI SEC. RALPH RECTO -- Ibinida ni Sec. Ralph Recto ng Dept. of Finance (DOF) na dahil daw sa maayos na pagbabayad ng utang ng Marcos administration sa mga utang panlabas ng Pilipinas ay makakamit na raw ng bansa ang “A-Credit Rating” ng ‘Pinas sa mga financial institution sa mundo na may mababang interest sa year 2028.
Hay naku, akala ng publiko na ang ibibida ni Sec. Recto ay mababayaran na ng Marcos admin ang lahat ng utang ng ‘Pinas pagsapit ng year 2028, eh ‘yun pala, pag-utang na naman ang nasa isip, buset!
XXX
MGA UTAK NG POGO SA ‘PINAS, KABADO NA KASI KAPAG NAHULI, MABUBULOK SILA SA KULUNGAN -- Sa pagdinig sa Senado ay sinabi ni former Mayor Alice Guo na hindi siya ang mastermind sa sindikato ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) at humiling siya ng executive session para ibulgar ang mga big boss ng POGO syndicate sa Pilipinas.
Dahil diyan, siguradong kakaba-kaba na ang mga utak ng POGO sa ‘Pinas kasi kapag napatunayan na sila nga ang mga big boss ng POGO syndicate, tiyak pagkabulok sa kulungan ang aabutin nila, abangan!
XXX
DAGDAG-DUSA SA MAMAMAYAN ANG TAAS-PRESYO SA SARDINAS AT TINAPAY -- Humihirit ang mga kapitalista ng sardinas at tinapay sa bansa ng dagdag-presyo.
Naku po! Kapag inaprub ng Dept. of Trade and Industry (DTI) ang hirit nilang taas-presyo ay tiyak dagdag-pahirap ‘yan sa mga mamamayan, tsk!