ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Oct. 2, 2024
KAPAG SI MARCOLETA NASAMA SA PDP LINEUP NI EX-P-DUTERTE, SA RAMI NG DDS MAY TSANSA SIYANG MAGING SENADOR -- Inanunsyo ni Sagip Partylist Rep. Rodante Marcoleta na kakandidato siya sa pagka-senador sa 2025 midterm election.
Si Marcoleta ang isa sa mga kongresistang nagtanggol sa higit P2 billion budget ng Office of the Vice President (OVP) ni VP Sara Duterte, na tinapyasan ng Kamara ng higit P1.3 bilyon.
Sa totoo lang, kapag si Marcoleta ay nasama sa Partido Demokratiko ng Pilipinas (PDP) senatorial lineup ni ex-P-Duterte ay malaki ang tsansa nitong manalong senador kasi tiyak milyun-milyong Duterte Diehard Supporters (DDS) ang boboto sa kanya, abangan!
XXX
PANAWAGAN NG KABATAAN PARTYLIST SA MGA KAPWA CONG. AT SA MGA SENADOR, IBALIK TINAPYAS NA BUDGET SA MGA SUCs, PERO ANG DUTERTE YOUTH ‘NGANGA’ -- Para mas marami pang kabataan na makapag-aral ng libre sa kolehiyo ay nanawagan si Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel sa mga kapwa niya kongresista at maging sa mga senador na ibalik ang P14.48 billion na tinapyas sa 39 State Universities and Colleges (SUCs) ng Marcos administration.
Buti pa ang Kabataan Partylist may boses mag-ingay sa Kamara para sa kapakanan ng mga kabataan na nais mag-aral sa kolehiyo, pero ang Duterte Youth partylist “nganga” lang, pwe!
XXX
AKALA NG PUBLIKO HINDI NA MAGKAKA-OIL PRICE HIKE SA BAGONG HEAD NG ERC HINDI PALA, KASI TAAS PA RIN NANG TAAS ANG PRESYO NG LANGIS -- Noong Sept. 21, 2024 ay itinalaga ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) si Jesse Andres bilang Officer-in-Charge (OIC) ng Energy Regulatory Board (ERB) at makalipas lang ang apat na araw ay nagkaroon ng oil price hike, P1.20 kada litro ang itinaas sa presyo ng gasolina at P0.20 ang itinaas sa presyo ng diesel, at makalipas na naman ang isang linggo, kahapon, October 1, 2024 ay nagkaroon na ng oil price hike, P0.45 sa kada litro ng gasolina, P0.90 sa litro ng diesel at P0.30 sa kada litro ng kerosene.
Akala ng publiko matapos suspendihin ng Ombudsman si dating ERC Chairperson Monalisa Dimalanta at italaga ni PBBM si Andres bilang bagong head ng naturang ahensya ay hindi na magkaka-oil price hike, mali pala, kasi tulad ng dati, taas pa rin nang taas ang presyo ng mga produktong petrolyo sa ‘Pinas, tsk!
XXX
KAILAN KAYA IPATIKLO NINA LA TRINIDAD MAYOR SALDA AT COL. MACLI-ING ANG MANGRARAKET NA SI ALYAS ‘PATRICK’ -- After manalasa ang Bagyong Julian sa Cordillera region, agad in-open ni alyas “Patrick” ang raket niyang "mini-casino" sa La Trinidad, Benguet.
Mantakin n’yo, hindi pa nga nakaahon ang mga taga-La Trinidad sa perhuwisyong idinulot sa kanila ng bagyo, eh gusto na agad silang raketin ni “Patrick.”
Kailan kaya ipapaaresto nina Mayor Romeo Salda at chief of police Lt. Col. Benson Macli-ing si "Patrick" para matigil na ang pangraraket nito sa mga taga-La Trinidad, Benguet? Abangan!