ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Oct. 8, 2024
HINDI NA TINATABLAN NG HIYA, TULOY ANG KANDIDATURA NG MGA ‘KAMAG-ANAK INC.’ SA ELEKSYON -- Patuloy ang pambabatikos ng netizens sa social media sa mga magkakamag-anak na pulitikong sabayang kakandidato sa May 2025 midterm elections.
Ang problema, hindi na tinatablan ng hiya ang mga “Kamag-anak Inc.” na kahit anong uring pamba-bash pa ang gawin ng netizens, ay wala nang atrasan ang pagtakbo next year ng mga magkakamag-anak na pulitiko, period!
XXX
MALAMANG HINDI LANG KASONG MURDER ANG KAHARAPIN NI GARMA, KUNDI PATI KASONG PLUNDER -- Iimbestigahan ng Quad-Committee ng Kamara ang millions of pesos converted to dollars na “money laundering” ni former Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager, ret. Col. Royima Garma sa United States (US), sa tulong ng dati niyang mister na si P/Col. Roland Vilela.
Kapag napatunayan ng Quad-Committee na galing sa masamang paraan ang sangkatutak niyang dolyares na nakadeposito sa mga bangko sa Amerika ay malamang hindi lang kasong multiple murder sa pagpatay kay PCSO Board Member Wesley Barayuga ang kaharapin niya, kundi pati kasong plunder, abangan!
XXX
HARRY ROQUE TAKLESA LANG, PERO HINDI MATAPANG -- Nanawagan si former Sen. Leila de Lima kay former presidential spokesman Harry Roque na harapin niya nang buong tapang ang mga alegasyon sa kanya na nag-uugnay sa operasyon ng illegal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa Porac, Pampanga.
Naku, iyang panawagan ni De Lima ay tiyak dededmahin lang ni Roque kasi nga hindi naman siya matapang, taklesa lang, boom!
XXX
BATAS VS. AGRI-SMUGGLERS, TILA PABIDA LANG NG MARCOS ADMIN -- Halos dalawang linggo na ang nakakalipas matapos na lagdaan ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) ang pagpapataw ng parusang habambuhay na pagkabilanggo sa mga agri-smuggler, pero hanggang ngayon ay wala pang nahuhuli ang mga otoridad ng Customs na mga agri-smuggler sa Adwana.
Dahil diyan, lumalabas na pabida lang ng Marcos administration ang batas na ito laban sa mga agri-smugglers, period!