ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Oct. 11, 2024
BOTO NANG BOTO SA MGA SIKAT NA ‘KAMAG-ANAK INC.’ POLITICIANS, TAPOS NAGREREKLAMO NA KESYO MAHIRAP PA RIN DAW SILA -- Sa latest survey ng SWS ay pumalo sa 16.3 pamilyang Pinoy ang nagsabing sila ay nananatiling mahirap.
Iyang 16.3 pamilyang Pinoy na nagsabing sila ay mahirap, sila iyong madalas nauunggoy ng mga “Kamag-anak Inc.” politicians, at sila iyong mga bumoboto sa mga magkakamag-anak na pulitiko.
Hay naku, angal nang angal na sila ay mahirap tapos boto naman nang boto sa tuwing eleksyon sa mga sikat na “Kamag-anak Inc.” politicians na mga walang malasakit sa mahihirap, tsk!
XXX
MAS NAKAKATAWA MGA BOBOTANTENG BUMOBOTO SA MGA ‘KAMAG-ANAK INC.’ POLITICIANS -- Pinagtawanan ng ilan ang mga hindi kilalang personalidad na nag-file ng certificate of candidacy (COC) para sa pagka-senador kasi turing nila sa mga ito ay mga nuisance candidate.
Sa totoo lang, mas katawa-tawa ang mga bobotante na bumoboto sa “Kamag-anak Inc.” kasi sobrang katangahan na ang kanilang ginagawa dahil mantakin n’yo, buong angkan ng political dynasty ibinoboto nila, boom!
XXX
MGA BOBOTANTE ANG SISIHIN KUNG BAKIT PATI SA MAHIHIRAP NA BANSA, NAMAMASUKANG KASAMBAHAY ANG MGA PINAY -- Nasa higit 11,000 overseas Filipino workers (OFWs), karamihan ay domestic helper o kasambahay ang trabaho sa Lebanon, ang naiipit ngayon sa digmaan ng Israel at Hezbollah terrorists group.
Hindi ‘yung giyera ang iisyu natin dito, kundi ‘yung dami ng mga Pinay na namamasukang DH sa mahirap na bansang Lebanon.
Kaya natin nasabing mahirap na bansa lang ang Lebanon dahil mas rich ang Pilipinas, base ito sa GDP o Gross Domestic Products ranking ng Georank Org. sa mga bansa sa mundo, kasi ang ‘Pinas ay nasa rank 40 na may GDP na $330 billion, kumpara sa Lebanon na nasa rank 81 na meron lang GDP na $56 billion.
Mga bobotante ang dapat sisihin kung bakit may mga kababayan tayong namamasukang kasambahay kahit sa mga mahihirap na bansa, kasi nga ang iniluluklok nila sa puwesto ay mga sikat na “Kamag-anak Inc.” politicians na “nagpapanggap” na mga lingkod-bayan, pero ang katotohanan ang nais lang yata ay magkaroon ng power sa gobyerno at magka-pork barrel funds, period!
XXX
SA ‘KAMAG-ANAK INC.’ VS ‘KAMAG-ANAK INC.’, AFTER ELECTION ‘KAMAG-ANAK INC.’ PA RIN ANG PANALO -- “Kamag-anak Inc.” vs. “Kamag-anak Inc.” Iyan ang magiging labanan ng mga magkakapamilyang magkalaban sa pulitika sa mga lalawigan, lungsod at munisipalidad.
Iyan ang nakalulungkot na nangyayari sa ‘Pinas, kasi sinuman ang manalo sa magkalabang angkan ng mga pulitikong ito, eh ang panalo ay political dynasty o “Kamag-anak Inc.” pa rin, tsk!