ni Ronalyn Seminiano Reonico | May 20, 2021
Planong makipagpulong ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga dating lider ng bansa upang pag-usapan ang sigalot sa West Philippine Sea (WPS), ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.
Una nang hiniling ni dating Senador Rodolfo Biazon kay P-Duterte na makipagpulong sa National Security Council (NSC) upang linawin at pag-usapan ang posisyon ng pangulo sa WPS.
Pahayag naman ni Roque, “Actually, nabanggit po sa akin iyan ni Presidente. Ang problema roon sa NSC, sa personal niyang karanasan na nakaka-attend siya, iyong NSC, walang nare-resolve. So, kung kinakailangan, iniisip niyang imbitahin ang mga dating presidente, ilang mga personalidad para magkaroon ng isang pagpupulong, ‘no, to discuss the issue.
“'Yung mga issue na tinatalakay kasama ang NSC, wala namang resolusyon na nangyayari kaya bakit pa kung puwede naman ‘yang gawin sa informal consultation?”
Iginiit din ni Roque na mananatili ang posisyon at polisiya ni P-Duterte sa usapin sa WPS at sisiguraduhin din umano ng pangulo na walang mawawalang teritoryo ng Pilipinas sa kanyang panunungkulan.
Aniya, “Wala pong confusing sa stand ng presidente sa WPS. Ang hindi pupuwedeng mapagkasunduan, isasantabi muna, isusulong ang mga bagay-bagay na puwedeng maisulong kagaya ng kalakalan at pamumuhunan.
"Pero hinding-hindi tayo mamimigay ng teritoryo at paninindigan at pangangalagaan natin ang pang-nasyonal na soberanya at ang ating mga sovereign rights.”