ni Ronalyn Seminiano Reonico | August 14, 2021
Siniguro ng Department of Health (DOH) na sapat ang suplay ng oxygen sa bansa ngunit ayon kay Secretary Francisco Duque III, posible umanong magkaroon ng kakulangan sa suplay ng tangke.
Aniya sa isang panayam, “Okay naman (ang oxygen supply) kasi palagi kaming nagpupulong ni Secretary Ramon Lopez ng DTI dahil siya ang nakikipag-ugnayan sa mga oxygen manufacturing companies.
“Ang sinasabi nila nu’ng huli kaming nag-usap, kung 203 tons of oxygen per day ang nagagamit, kaya nilang triplehin o kaya nilang gawing 605 tonnage per day ang isu-supply nila.”
Samantala, nanawagan din si Duque sa publiko na huwag mag-hoard ng mga oxygen tanks dahil posible umanong magkaproblema sa suplay ng mga tangke.
Aniya pa, “Inaantay ko pa rin ang pag-aangkat ng karagdagang tangke na walang kargang oxygen. ‘Yung tangke lang. Kasi ‘yung oxygen, meron, eh. Pero baka sa tangke, magkaproblema.”
Samantala, panawagan din ni Duque sa publiko, “Nananawagan ako sa ating mga kababayan na huwag kayong mag-hoard ng mga oxygen, unless meron kayong prescription ng mga doktor. Hayaan n’yo po 'yung mga tangke na umikot, hindi puwedeng nakaistasyon sa bahay ninyo ang mga tangke. Kailangan pong may sirkulasyon ang mga tangke na tuluy-tuloy na kapag naubos, ire-refill.”