ni Angela Fernando @Overseas News | Oct. 20, 2024
Photo: PNP via AP
Mahigpit na nakikipagtulungan ang pamahalaan ng United States (US) sa mga lokal na otoridad sa 'Pinas para hanapin si Elliot Eastman, isang Amerikanong vlogger na dinukot sa Zamboanga del Norte, ayon sa pahayag ng US Embassy.
“When a U.S. citizen is missing, we work closely with local authorities as they carry out their search efforts, and we make every effort to keep lines of communication open with families,” pahayag ng US embassy.
“The Department of State has no higher priority than the welfare and safety of U.S. citizens abroad,” dagdag pa nito.
Gayunman, hindi nagbigay ng karagdagang detalye ang nasabing embassy hinggil sa ginagawang paghahanap sa vlogger dahil sa mga pribadong impormasyong kadikit nito.
“We are monitoring the situation. However, due to privacy and other considerations we have no further comment at this time,” paglilinaw nila.
Magugunitang kinumpirma ng Police Regional Office 9 (PRO-9) kamakailan na dinukot ng apat na lalaking nagpanggap bilang mga alagad ng batas ang 26-anyos na Amerikanong si Elliot Eastman nu'ng Oktubre 17.
Si Eastman ay kinuha mula sa bahay ng kaniyang mga biyenan sa isang sitio sa bayan ng Sibuco. Sa nakaraang livestream ng nawawalang vlogger, nabanggit nitong hindi siya gusto sa kanilang lugar at may mga posibleng banta laban sa kanya.