ni Mary Gutierrez Almirañez | April 5, 2021
Isang babaeng Overseas Filipino Worker (OFW) ang nagpositibo sa COVID-19 pagdating sa Hong Kong, gayung negatibo siyang umalis sa ‘Pinas, kung saan tinatayang umabot na sa 16,406 ang mga OFWs na positibo sa virus, batay sa huling tala ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Ayon sa ulat, lumipad ang babaeng OFW nu’ng Marso 13 patungong Hong Kong. Pagkarating sa Hong Kong ay sumalang uli siya sa swab test at dito nakumpirmang positibo na siya sa virus.
Mula sa airport ay kaagad siyang isinakay sa ambulansiya upang isugod sa ospital. Nilagnat at nagsuka siya. Matapos ang 7 araw ay inilipat siya sa hotel upang doon ipagpatuloy ang quarantine. Sinagot naman ng kanyang employer ang lahat ng gastos.
Paliwanag pa ng OFW, mayroon siyang medical certificate mula sa ospital na makakapagpatunay na negatibo siyang umalis sa ‘Pinas.
Sa ngayon ay hindi pa natutukoy kung saan siya posibleng nahawa.